Nasawi ang isang rider at backride nito, matapos na bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa isang sports utility vehicle (SUV) kahapon ng madaling araw sa southbound lane ng Rizal Avenue corner Fugoso Street sa Sta Cruz, Maynila.
Agarang nasawi ang mga biktimang sina Silvestre Leal, rider, ng Cabulanglangan, Tagudin Ilocos; at Hilario Madriaga, backride. Kapwa sila nasa hustong edad at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.
Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente alas- 2:48 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Nasa kustodiya na ng MDTEU ang suspek na si Rey De Parcarey ,Jr, ng No. 857 Puyat St., Quiapo, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni PCpl Ignacio, Palo, Jr., bago ang insidente ay binabagtas ni Leal ang westbound ng Fugoso Street at pagsapit sa panulukan ng Rizal Avenue, ang kaliwang bahagi ng motorsiklo nito ay bumangga sa kanang harapang bahagi ng sasakyan ni De Parcarey na bumabagtas naman sa southward ng Rizal Avenue nang mga oras na iyon.
Tumilapon ang mga biktima na nagresulta ng agaran nilang pagkasawi.
Tinangka pa ng mga nagrespondeng paramedic na i-revive ang mga biktima pero di na kinaya dahil sa matinding pinsalang natamo ng mga ito sa ulo at katawan.
Nahaharap sa kasong multiple homicide at damage to property ang driver ng SUV.