Agad na nasawi ang isang rider at angkas nito, matapos na sumalpok sa isang trailer truck kahapon ng. madaling araw sa northbound lane sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Jacinto Street sa Vitas, Tondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit -Vehicle Traffic Investigation Section (MDTEU-VTIS), nakilala ang rider ng Yamaha Sniper na may conduction sticker no. 1301-0868108 na si Richard E. Rivera, habang hindi naman nakuha ang pagkakilanlan ng lalaking angkas nito. Sila ay kapwa namatay noon din matapos tumilapon ang motorsiklong sinasakyan nila.
Kasalukuyang iniimbestigahan sa MDTEU-VTIS ang driver ng. trailer truck na nakilala sa alyas na “Wakray”.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-12:20 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Kasalukuyang binabagtas umano ng trailer truck ang naturang lugar nang pagsapit sa panulukan ng Jacinto Street ay binagalan ni ‘Wakray’ ang truck para bigyan ng daan ang mga tatawid na pedestrian, nguni’t may narinig siyang kumalabog sa likurang bahagi ng kanyang minamanehong truck.
Dala ng malakas na pagkakabangga ay tumilapon ang mga biktima sa kalsada na nagresulta sa agaran nilang kamatayan.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinasabing nakainomumano ang dalawang biktima nang maganap ang aksidente.
Ang kanilang mga bangkay ay dinala sa funeral parlor para sa awtopsiya at safekeeping.