Latest News

FFCCCII honors Ricky Lee with FFCCCII Lifetime Achievement Award; mula sa kaliwa , Ricky Lee nephew Ben Lee, FFCCCII Public Information Committee Vice-Chairman Dr. Lily Lim, FFCCCII VP Jeffrey Ng, National Artist Ricky Lee, FFCCCII President Dr. Henry Lim Bon Liong, FFCCCII Public Information Committee Chairman & Pandesal Forum moderator Wilson Lee Flores, FFCCCII Asst. Sec. Gen. Gino Chen, Ricky Lee grandnephew John Lee sa ginanap na forum ng Kamuning Bakery Cafe Sa QC.

RICKY LEE, PINARANGALAN NG FFCCCII

ISANG linggo bago mag-Pasko at ang opisyal na pagbubukas ng “Balik Saya sa MMFF 2022” o Metro Manila Film Festival ay ginawaran ng parangal ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) ang writer –journalist na si Ricardo “Ricky” Lee dahil sa ambag nito sa industriya at pagbibigay karangalan sa Filipino-Chinese Community.

Ang National Artist na si Ricardo “Ricky” Lee ay ginawaran ng “FFCCCII Lifetime Achievement Award” kamakalawa sa ginanap na Pandesal Forum ng Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City.

Nanguna sa pagkakaloob ng parangal kay Ricky Lee si FFCCCII President Dr. Henry Lim Bon Liong, Bise-Presidente at Tagapayo ng FFCCCII Public Information Committee Jeffrey Ng, kasama si FFCCCII Public Information Committee Chairman Wilson Lee Flores at Vice-Chairman Dr. Lily Lim.


Ang FFCCCII Lifetime Achievement Award para sa film/TV scriptwriter, novelist, journalist at educator na si Ricky Lee ay ibinigay sa anyo ng isang malaking Plaque of Honor at isang espesyal na Medalyon.

Bukod sa mayamang kontribusyon sa sining at kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng mahahalagang pelikula tulad ng “Himala”, mga nobela at iba pang mga akda, ay pinapurihan din si Lee ng FFCCCII para sa pagbibigay karangalan sa Filipino-Chinese community.


Ang ama ni Ricky Lee na si Lee Hian Chin ay nagsilbi ng 26 na taon bilang respetadong secretary-general ng Camarines Norte Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, na isa sa 170 Filipino Chinese chambers of commerce sa ilalim ng FFCCCII.

Ngayong Disyembre ay ika-40 anibersaryo ng kanyang sikat, klasikong pelikulang “Himala” na pinagbibidahan ng kapwa Pambansang Alagad ng Sining na si Nora Aunor, sa direksyon ni Ishmael Bernal at ginawa ng Experimental Cinema of the Philippines (ECP) na pinamumunuan noon ni Sen. Imee Marcos.


Ikinuwento ni Ricky Lee ang kanyang karera bilang manunulat at nagpasalamat sa FFCCCII para sa parangal na ito, at sa gobyerno para sa karangalan ng Pambansang Alagad ng Sining.

Sinabi pang scripwriter nuong mga nagdaang taon ang mga scriptwriter ay madalas na hindi kinikilala sa mga proyekto ng puting tabing na may mga poster ng pelikula, at ang media limelight ay karaniwang nakatuon sa mga aktor, artista at direktor lamang.

Nanawagan din si Ricky Lee ng karagdagang suporta mula sa gobyerno para sa industriya ng pelikula sa Pilipinas, gaya sa parehong paraan na nakatatanggap ng malakas na suporta ng gobyerno ang mga Korean movies at entertainment.

Umaasa rin si Lee na ang gobyerno at iba pang sektor ay magbibigay ng higit na suporta para sa pagpapaunlad ng panitikan ng Pilipinas, hikayatin ang mas maraming pampublikong aklatan at pagsisikap na isulong ang pagbabasa ng mga libro.

Nagpahayag ng optimism si Ricky Lee sa pagbabalik ng mga manonood sa mga sinehan sa Pilipinas, lalo na sa darating na MMFF, dahil ipinaliwanag niya na ang panonood ng mga pelikulang walang patid sa loob ng isang sinehan ay lubos na naiiba at mas magandang karanasan kaysa online o TV streaming.

Tinalakay din ni Lee na ang pagbabasa ng mga nobela at libro ay nagbibigay-daan sa mga tao na mas lumalim at ang imahinasyon ng tao ay pinasigla din, hindi tulad ng mga online at social media na pagbabasa na kadalasan ay mababaw at panandalian lamang. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags: Ricky Lee

You May Also Like

Most Read