RICE PRODUCTION SISIKAD SA 2025

By: Victor Baldemor Ruiz

POSITIBO ang National Irrigation Administration (NIA) na lalo pang tataas ang ani ng palay sa papasok na taong 2025.

Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, resulta ito ng pagdami ng mga irrigation facilities at mga dam sa bansa na makakatulong para patubigan ang mga taniman ng palay.


Inihalimbawa ni Eng. Guillen ang mga bagong dam na binuksan kamakailan sa iba’t-ibang panig ng bansa katulad ng Western Visayas, Cordillera, Central Luzon, atbp.

Sinasabing makakatulong ang pagdami ng mga dam at irrigation canal upang mapalakas ang lokal na industriya ng bigas sa gitna rin ng marubdob na pagtutulungan ng mga magsasaka at ng gobyerno.

Maliban dito, magagamit na rin ang bagong binuo na cropping calendar kung saan ang kasalukuyang dalawang cropping season sa mga NIA-irrigated areas ay gagawin nang tatlong cropping season.


Tinukoy din ng NIA Administrator ang aniya’y ‘incorporation’ o pagpasok at pagsasama sa konsepto ng irigasyon sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa ilalim ng nasabing programa ay magsasanib ang NIA at DPWH sa pagpaplano sa mga ginagawang flood control facilities kung saan iniipon ang mga tubig sa mga naturang pasilidad upang magamit sa mga sakahan sa halip na hayaan lamang tumuloy sa mga dagat at ilog.


Maalalang una nang ipinagmalaki ni PBBM ang hanggang 5,500 flood control projects at mga bagong dam na nagawa sa ilalim ng kanyang administrasyon sa pinakahuling SONA.

Nitong nakalipas na linggo ay sinimulan na rin ng National Irrigation Administration ang pagbebenta ng murang bigas kasunod ng naging paglulunsad ng P29 na kada kilong bigas ng kanilang ahensya.


Ang ibinebenta na abot-kayang bigas ay mula sa matagumpay na Rice Contract Farming Program ng NIA.

Layon ng programang ito na mabigyan ng suporta ang 40,000 ektarya ng sakahan upang lumago ang produksyon maging ang income ng mga magsasaka.

Namahagi rin ang ahensya ng farm inputs, binili rin ng ahensya ang aning palay ng mga benepisyaryong magsasaka na umabot sa limang tonelada.



Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, ito ay bilang pagtalima lamang sa mga direktiba ni PBBM.

Tuloy-tuloy rin ang pagpupursige ng ahensya na mapalago ang produksyon ng mga sakahan sa Pilipinas.

Tags: National Irrigation Administration (NIA)

You May Also Like

Most Read