SA kabila ng ulat ng patuloy na pagbulusok ng overall inflation na naitala noong Enero ay record-breaking naman ang ‘all time high’ at hindi maawat na pagsirit ng presyo ng bigas sa naturang buwan, pag-amin ng Philippines Statistics Authority (PSA).
Lumilitaw sa datos ng PSA na pinakamataas ang naitalang rice inflation sa panahon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. kumpara sa nakalipas na 14 na taon.
Ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, bumilis ang rice inflation sa 22.6% sa unang buwan ng taon mula sa 19.6% noong Disyembre 2023.
Aminado ang PSA na isa itong bagong 14-year high para sa rice inflation o ang pinakamataas magmula noong Marso 2009, nang maitala ang rice inflation sa 22.9%.
Paliwanag ni Mapa, malaki ang itinaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Inihayag pa ni Mapa na mas mabilis ang rice inflation dahil sa low- base effect na naitala noong Enero hanggang Hulyo 2023, nang ang rice inflation ay “relatively low.”
“May mababang base na pinanggalingan ang presyo ng bigas,” ani Mapa.
Paliwanag ng PSA chief, na-monitor ng kanilang ahensya ang paggalaw sa average prices ng tatlong klase ng bigas — regular milled, well-milled at special—na nagtala ng P10 hanggang P11 kada kilo na pagtaas year-on-year.
Para sa regular milled rice, ang average price ay nasa P49.65 kada kilo noong Enero in 2024, tumaas ng 25.4% mula P39.60 kada kilo noong Enero 2023.
Tumaas din ng 25% sa P54.91 kada kilo ang average price ng well-milled rice noong nakaraang buwan mula sa P43.92 kada kilo sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Samantala, para sa special rice, ang average price ay nasa P63.90 kada kilo, tumaas ng 18.9% mula P53.76 kada kilo noong Enero 2023.
Samantala, bumagal naman inflation rate ng bansa noong Enero sa gitna ng mas mabagal na pagtaas sa presyo ng pagkain, utilities at transport, ayon sa PAS.
Sa kabuuan, ayon kay Mapa, ang inflation ay naitala sa 2.8% sa unang buwan ng 2024, mas mabagal sa 3.9% rate noong Disyembre 2023.
Ang inflation print noong nakaraang buwan ay mas mabagal din sa 8.7% na naitala noong Enero 2023 at ang pinakamababa magmula nang mairehistro ang 2.3% noong Oktubre 2020.
Bumagsak din ito sa lower end ng forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.8% hanggang 3.6%.
“Food inflation at the national level eased to 3.3 percent in January 2024 from 5.5 percent in the previous month. In January 2023, food inflation was higher at 11.2 percent,” ayon sa PSA.














