TULOY-tuloy na umano ang pagreretiro ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda, Jr. kung pagbabasehan ang mga ginagawang paghahanda ngayon sa loob ng Camp Crame.
Sinasabing puspusan na ang ginagawang preparasyon NG PNP para sa nalalapit na pagreretiro ni Gen Acorda sa Linggo.
Katunayan, ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, mahigit dalawang linggo nang naghahanda ang PNP para sa igagawad na retirement honors para kay Acorda.
Nabatid na magreretiro sa serbisyo si Acorda sa darating na December 3, araw ng Linggo, subalit hanggang kahapon ay wala pang inilalabas na pangalan ang PNP maging ang tanggapan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. hinggil sa posibleng kahalili ni Acorda.
Isang source mula sa PNP ang nagsabing tuloy ang nakatakdang retirement at assumption ceremony sa loob ng Crame at sa katunayan ay may mga nakatakda nang official function ang susunod na PNP chief.
Sinasabing lalagda sa isang memorandum of agreement ang bagong-talagang PNP chief at kinatawan ng International Committee of the Red Cross (ICRC) oras na opisyal nang manungkulan ang bagong pinuno ng pambansang pulisya.
Sa ngayon, wala pang impormasyon kung may napili na si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na susunod na hepe ng PNP o kung pinalawig nito ang serbisyo ni Acorda.
Ilan sa matunog na posibleng maging hepe ng PNP ay sina PNP Deputy Chief for Administration Police Lieutenant General Rhodel Sermonia, na umaasang maibibigay ang hinahangad na posisyon kahit sa loob lamang ng ilang buwan.
Sina PNP Deputy Chief for Operations Police Lieutenant General Michael John Dubria at PNP chief of the Directorial Staff Police Lieutenant General Emmanuel Peralta ang ilang sa matunog na pangalan.
Bukod pa ito kina PNP SAF Director Police Major General Bernard Banac, PNP CIDG director Police Major General Romeo Caramat Jr., PNP Directorate for Comptrollership director Police Major General Rommel Francisco Marbil at NCRPO regional director Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr.














