RETIRADONG HENERAL, HINDI PINAGBABAWALANG PUMASOK SA MILITARY CAMP

By: Victor Baldemor Ruiz

NILINAW kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na walang katotohanan na may order mula sa higher authority na ipinagbabawal na pumasok sa mga kampo ng military, partikular sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City, ang mga retiradong official ng Armed Forces of the Philippines maging ng Philippine National Police.

Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, ang bagong hirang na tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, hindi totoo na pinagbabawalang makapasok sa mga military camp ang mga retired generals .


Hindi rin umano totoo na hindi na sila pina-iisyuhan ng security decals o sticker pass para makapasok sa mga kampo militar.

Kasunod ng lumutang na ulat hinggil sa banta ng destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. kung saan may ilang pangalan ng mga retiradong opisyal na kasapi ng Association of General and Flag Officers ang dinadawit ay may mga kumakalat na ring isyu na bawal na ring pumasok ang mga ito sa loob ng kampo.

Wala umanong katotohanan at walang dahilan para ipinagbawal na sila ay makapasok o huwag pagkalooban ng security decals ang mga retired military officers.


Paliwanag ni Padilla na posibleng may insidente lamang na may napigil sa gate na hinahanapan ng proper identification o walang proper decals ang kanilang sinasakyan subalit hindi sila pinagbabawalan kaya may lumabas na ganitong isyu.

Paulit-ulit na nilinaw ng AFP na walang destabilization at katunayan, ayon kay AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner, ay ni hindi nila ito natalakay at hindi rin personal na pinag-usapan ni Pangulong Marcos nang dumalo ito kahapon sa sinagawang command conference ng mga senior military officers ng AFP.


Katunayan pa, ayon kay Brawner, hindi kailangan pa na magsagawa ng loyalty check sa kanilang hanay.

“I have personally..I gauged that there is no need for a loyalty check and that our commanders and our troops remain loyal to our constitution,” ayon pa sa chief of staff.


Tumanggi rin si Brawner na magkomento o sumagot pa hinggil kay Retired General Johnny Macanas, Sr.na nasa likod ng viral video na nagdadawit sa pangalan ni Brawner at ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, kung saan pinabababa umano sa puwesto si Pangulong Marcos.

Magugunitang si Acorda ay naghain ng kasong criminal sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Retired General Macanas dahil sa umano’y malisyosong ‘viral vlog’ ni Macanas.



Tags: AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner

You May Also Like

Most Read

Latest News