May posibilidad na mailabas bago mag-Pasko ang resulta ng idinaraos na 2023 Bar examinations sa ngayon.
Ayon kay Supreme Court (SC) Associate Justice Ramon Paul Hernando, na tumatayong chairman ng pagsusulit ngayong taon, nais nilang mapaikli ang matagal na paghihintay ng mga bar examinees upang malaman ang resulta ng kanilang eksaminasyon.
“For the longest time, Bar Examinees have had to endure several months of perceived agony of waiting before the results of the professional licensure exams for future lawyers are released,” ani Hernando.
“This year, however, following the examples of my recent predecessors as Bar Chair, the time spent by the Examinees waiting in agony for the results of the exams will be cut short: my team and I are eyeing the release of the results of the 2023 Bar Examinations in early December before Christmas Day. Yes, you heard me right, the results will, God-willing, come out in early December, before Christmas Day,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ng mahistrado na magkakaroon rin ng simultaneous oath-taking at signing ng Roll of Attorneys sa nasabing buwan upang matiyak na magkakaroon ng bagong batch ng mga abogado bago matapos ang taon.
“It will be an additional reason for those who will hurdle the Bar Exams to celebrate the Holiday Season,” aniya.
Idinagdag pa ni Hernando na inaasahang nasa 10,791 aspiring lawyers ang kukuha ng bar examinations sa loob ng tatlong araw.
Ang unang araw ng pagsusulit ay isinagawa kahapon, Setyembre 17, at ipagpapatuloy sa Setyembre 20, at 24.
Sa naturang bilang, 5,821 ang first time pa lamang na kukuha ng pagsusulit habang 4,970 ang re-takers, o muling susubok na makapasa dito.
Nasa 2,571 bar personnel naman ang idineploy sa 14 testing centers sa buong bansa.
Nabatid na ang bar exams ngayong taon ay hinati sa anim na core subjects, kabilang na ang Political and Public International Law (15%); Commercial and Taxation Laws (20%); Civil Law (20%); Labor Law and Social Legislation (10%); Criminal Law (10%); at Remedial Law, Legal and Judicial Ethics with Practical Exercises (25%).