Inihayag ng Philippine National Railways (PNR) na puspusan na ngayonang ginagawang rerailment sa nadiskaril nilang tren upang maibalik sa normal ang kanilang operasyon.
Ayon sa update ng PNR nitong Miyerkules, nabatid na naitayo na nila ang tren matapos ang magdamagang pagtatrabaho ngunit hindi pa ito naibabalik sa riles.
Tiniyak naman nito na sa sandaling tuluyan nang mainkaril ang tren ay maaaring maibalik na sa normal ang kanilang biyahe.
Kasalukuyan na ring naglatag ang pamunuan ng PNR ng karagdagang tao sa site upang masiguro na tulong-tulong ang lahat ng kawani sa pagreresolba at pag-iinkaril sa tren upang maibalik sa regular ang byahe sa lalong madaling panahon.
Labis naman ang pasasalamat ng PNR kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty. Hernando T. Cabrera na nagpadala ng tulong mula Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at (LRT-2) para tumulong sa rerailment ng nadiskaril na tren, at restorasyon ng riles.
“Layunin ng pamunuan ng PNR na agarang maibalik sa normal ang operasyon sa lalong madaling panahon upang maserbisyuhan ang publiko mula Gov. Pascual hanggang Tutuban, at Tutuban hanggang Alabang,” anang PNR.
“Kasalukuyan nang naitayo ng mga kawani ng PNR simula kahapon ang tren. Kapag na-inkaril, agad na mag- aabiso ang pamunuan sa posibleng pagbabago sa ating iskedyul,” dagdag pa nito.
Samantala, nag-anunsiyo na rin ang PNR na may ilang tren pa rin silang bibiyahe ngayong Miyerkules ng hapon at gabi, sa mga rutang hindi apektado ng naganap na train derailment.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
TUTUBAN TO DELA ROSA – 2:16 PM; 3:06 PM; 4:06 PM; 5:16 PM; 6:16 PM; 7:56 PM; 8:36 PM
DELA ROSA TO TUTUBAN – 3:13 PM; 4:03 PM; 5:03 PM; 6:13 PM; 7:13 PM; 8:53 PM; 9:33 PM
TUTUBAN TO GOV. PASCUAL – 4:21 PM
GOV. PASCUAL TO TUTUBAN – 7:40 PM
GOV. PASCUAL TO DELA ROSA – 5:14 PM
DELA ROSA TO GOV.PASCUAL – 6:33 PM
LUCENA TO SAN PABLO – 5:50 PM
CALAMBA TO SAN PABLO- 6:30 PM
NAGA TO SIPOCOT – 3:30 PM
SIPOCOT TO NAGA – 12:00 PM; 4:50 PM
Matatandaang dakong alas-11:20 ng tanghali nitong Martes nang madiskaril ang isang PNR train, sa Don Bosco Crossing sa Makati City, sa pagitan ng Pasay Road at EDSA Stations.
Bumibiyahe lamang umano ang tren sa bilis na 20 kph nang maganap ang insidente at dahil dito, nalimitahan ang biyahe ng mg tren.
Samantala ay ligtas naman ang nasa 400 pasaherong sakay ng nadiskaril na tren habang masusi nang iniimbestigahan ng PNR ang dahilan ng nasabing pagkakadiskaril. )