By: Tony Gildo
Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakikipag-ugnayan na ang Migrant Workers Office (MWO) sa Oman authority, sa may ari ng barko at sa mga pamilya ng namatay na seafarers upang kumpletuhin ang mga kinakailangan para mapabilis ang repatriation ng kanilang mga labi.
Ipinag-utos ni Secretary Hans Leo Cacdac sa MWO-Oman team na pinangunahan ni Labor Attaché Alice Visperas na pansamantalang mananatili muna sa isang hotel ang mga nakaligtas na naglakbay sa Khasab, Musandam.
Sinuri ng team ang agarang pangangailangan ng mga nakaligtas at nakipagpulong sa kinatawan ng may-ari ng barko upang talakayin ang mga alalahanin at kaayusan para sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas at magbigay sa bawat seafarer ng pinansyal na tulong sa lugar.
Nakikipag-ugnayan din ang DMW, sa pamamagitan ng MWO, sa Oman sa Philippine Embassy sa Muscat, na tumutulong sa 14 na Filipino seafarers na nakaligtas sa pag-atake sa MT SIDR noong Agosto 31 habang pinadadali ang repatriation ng mga labi ng dalawang Filipino crew members na namatay sa insidente.
Pinaalalahanan din ng DMW ang mga license manning agencies at ang kanilang mga accredited principals na masusing subaybayan ang kapakanan ng mga na-deploy na Filipino seafarers at sumunod sa mga precautionary measure at mga itinatag na protocol para sa mga sasakyang pangdagat na dumadaan sa Strait of Hormuz.














