GAYA ni Mayor Honey Lacuna at iba pang opisyal ng lungsod, maging sina Manila 5th District Congressman Irwin Tieng at Manila Vice Mayor Yul Servo ay nagpahayag din ng matinding pagtutol sa panukala ni Senator Francis Tolentino na ilipat ang Manila Zoo sa Masungi Georeserve sa Rizal.
Sa panayam, sinabi nina Tieng at Servo na hindi lahat ng mga Manilenyo ay may kakayahang magtungo pa sa Rizal upang bisitahin ang zoo at ayon sa kanila, ang naturang ideya ay kahalintulad na rin ng pag-aalis ng pribilehiyo ng mga taga-Maynila na ma-enjoy ang zoo na pagmamay-ari ng Maynila at mga naninirahan dito.
Ayon kay Tieng, na siyang Congressman ng District 5 na nakasasakop sa Manila Zoo, inaalagaan namang mabuti ng lokal na pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno ni Manila Mayor Honey Lacun,a ang lahat ng hayop sa zoo at lahat din umano ng enclosure ng mga hayop ay pawang upgraded na.
Tiniyak rin aniya ni Lacuna na mayroong maayos na water filtration system ang zoo, gayundin ang pagkakaroon ng state-of-the art sewerage treatment plant.
“Lahat ng efforts using modern technology ay ginagawa ng ating lungsod para maayos ang kalagayan ng ating mga hayop. ‘Wag din sana isipin na madumi. Punta po kayo,” pahayag pa ni Tieng.
“Di namin gusto na ilipat ang Manila Zoo kasi di naman lahat ng taga-Maynila me kapasidad na magpunta pa sa Masungi para tumingin ng mga animals,” dagdag pa nito.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Servo na, “Yung mga kababayan natin dito sa Maynila, hindi naman lahat ay kayang mamasyal pa sa malayo. Eh dito, pwede mo nga lakarin, wala nang pamasahe.”
“Hindi pinababayaan ang mga hayop sa Manila Zoo. Alagang-alaga sila. Ang tagal-tagal na ng zoo sa Maynila. Makakaasa kayo na di namin pinababayaan ang mga hayop sa zoo at gaya nga ng sinabi ni Mayor Honey, maraming programa at plano ang pamahalaang-lungsod para sa Manila Zoo,” aniya pa.
Binigyang-diin ng bise alkalde na maliit pa lamang si Mali nang mapunta sa zoo, at namatay lamang ito matapos na maabot ang maximum lifespan para sa mga elepante.
Taliwas umano ito sa pahayag ni Tolentino, na ang pagkamatay ni Mali ay may kinalaman sa enclosure nito.
“Talagang araw na ni Mali na magpaalam,” pagbibigay-diin ni Servo.














