By: JANTZEN ALVIN
BINAWI ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee ang kanyang kandidatura para sa 2025 senatorial race, isang araw bago tuluyang magsimula sa Pebrero 11 ang 90-araw na campaign period para sa national posts.
Ayon kay Lee, kakulangan ng makinarya at oras sa pangangampanya ang siyang nagtulak sa kanya upang umatras sa halalan, at hindi umano niya naaabot ang ibang bahagi ng bansa para ipabatid ang kanyang kandidatura at maipaliwanag ang kanyang adbokasiya.
“Sa pag-iikot ko po sa ating bansa, napagtanto ko na hindi sapat ang makinarya na mayroon po tayo ngayon para maabot ang lahat ng ating mga kababayan upang mapakilala at maipaalam ang aking mga ipinaglalabang adbokasiya,” paliwanag ni Lee.
Sa halip na ituloy ang kandidatura, plano na lamang umano ni Lee na mag-focus sa pagtulong sa reelection ng AGRI Party-list upang matiyak na maipagpapatuloy ang kanilang adbokasiya, gaya nang mas murang de kalidad na healthcare at iba pang serbisyo ng pamahalaan.
Si Lee ang ikatlong senatorial aspirant na nag-withdraw ng certificate of candidacy (COC) para sa May 12, 2025 elections.
Una nang umurong sa kanilang senatorial bid sina dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson at internet personality na si Norman Mangusin, o mas kilala bilang si Francis Leo Marcos.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang lahat ng botong makukuha ni Lee, na ang pangalan ay naisama na sa iniimprentang mga balota, ay ituturing na lamang nilang stray votes.














