Latest News

REP. JOEL CHUA, TANGING KONGRESISTA NG MAYNILA NA BUMOTO SA DIVORCE BILL

By: Jerry S. Tan

Bagama’t nag-iisa siya mula sa hanay ng mga Kongresista ng Maynila na bumoto pabor sa divorce bill at alam niyang hindi ito magugustuhan ng Simbahan, sinunod ni Congressman Joel Chua (Manila, 3rd district) ang kanyang konsensiya at personal na engkwentro sa kanyang mga nasasakupan.

Para sa kanya, ang mga tao ay dapat na bigyan ng kalayaang makapamili lalo pa tungkol sa kung ano ang gusto nilang mangyari sa kanilang sari-sariling buhay. Aniya, ang kawalan ng ganitong uri ng kalayaan ay isa ring uri ng kahirapan.

Binigyang-diin ni Rep. Chua na ang ang pagboto sa divorce bill ay hindi dapat na ibatay sa relihiyon at dapat ay prayoridad ang pagyakap sa lahat sa pagbalangkas ng mga desisyon, lalo pa tungkol sa pamamahala dahil ang pamamahala ay hindi tungkol sa relihiyon kungdi kung ano ang tama at makatarungan para sa lahat.


Hindi umano maaring ipilit ni Rep. Chua ang kanyang paniniwala ukol sa kasal o diborsiyo sa kahit na sino dahil hindi lahat ng Pilipino ay Katoliko o Kristiyano at ang iba ay pinapayagan pa nga ang pagkakaroon ng mahigit isang asawa base sa kanilang nakagisnang relihiyon o kaugalian.

Di umano kaya ng kanyang konsensiya na lumahok sa isang proseso na pinipigilan ang karapatang piliin ang diborsiyo kung sila ang may gusto nito.

“As an advocate of our society’s laws, those same laws require that I respect and enforce the civil rights and due process inherently deserved by every citizen, including spouses and their children trapped and held hostage in marriages that have collapsed beyond repair and threaten death or serious injury to them,” aniya.

Hindi umano palo si Chua sa pag-iisip na di na kailangan ang divorce law dahil nariyan na ang mga options gaya ng legal separation at annulment. Aniya, ‘justice delayed is justice denied’ at sa oras na dumating na sa dulo ang mga prosesong ‘yan, baka di na kayang remedyuhan ang pagdurusang inabot ng asawa, mag-asawa o maging ng kanilang mga anak.


“Even if the injurious costs are removed, the red tape of legal separation and annulment are ridiculous and sadistic upon the aggrieved spouses and children. The implementors of legal separation and annulment can, without the need for new laws, adopt rules that erase or cast aside those costs and red tape. But they choose not to, because it is in their interest to keep those costs and red tape in place, in utter disregard of the suffering of the aggrieved spouses and children. In other words, the system is rigged against spouses and children in anguish. That is not how a just society must be toward its citizens,” paliwanag nito.

Pinuna rin niya na hindi rin nabibigyan ng atensyon ang common law marriages, na bagamat kinikilala ng ating batas at kaugalian, walang makikita sa Family Code na tukoy na mekanismo o alituntunin na pormal na kumikilala sa common law spouses..

“Without these workings of the law, common law spouses are not really married. In fact, most of them still consider themselves single because they did not go through any marriage rites. In the process, they are unable to claim rights and benefits due to married spouses. Barangays and Katarungang Pambarangay or Barangay Justice System have no role in the enforcement of the Family Code. The barangay is the government closest to the people and yet when it comes to the matters about marriage, domestic violence, violence against women and children, the Family Code is beyond their reach and barangays cannot enforce the Family Code because they are excluded from it,” pagpupunto ni Chua.

Inaasahan na umano na ‘yung mga di pabor sa divorce ay gagawa ng aksyon para ma-delay ito sa Senado o kaya ay maupuan lang ito doon.


Kahit pa umano magka-milagro at ipasa ng Senado ang divorce bill, dedepende pa rin ang lahat sa ‘veto power’ ng Pangulo.

Ang mga laban sa divorce bill, ani Rep. Chua, ay siguradong kukulitin ang Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kontrahin ito pero naniniwala umano siya sa pagiging patas at makatarungan ng Pangulo. Nananalig umano si Chua na ang mga pro-divorce ay pakikinggan sa Malacanang.

Sa huli, nasa kamay pa din ng Presidente kung magiging pinal na batas ang divorce bill o hindi. Tatlong bagay lang umano ‘yan. Maari niya itong i-veto o kontrahin, pirmahan ito para maging batas o pabayaang lumipas ang 30 araw matapos makatanggap ng kopya ang kanyang tanggapan ng inaprubahang bill sa Kongreso. Sa ganitong paraan, automatic na magiging isa itong ganap na batas.

Bilang abogado, napakarami umanong nalapit sa tanggapan ni Rep. Chua upang humingi ng tulong para sa annulment o legal separation dahil sa mga matitinding dahilan kung saan ang pananatiling kasal ay pagdurusa na. Hinalimbawa pa nito ang isang malapit na kakilala na ginugulpi ng asawa.

Ito umano ang isa sa mga dahilang nagbunsod sa kanya para maisip na ang kanyang papel bilang Kongresista ay magbigay ng pagpipilian at hindi isantabi ang divorce bilang kasama sa mga maaring tahakin ng sinuman na nangangailangan nito.

Karapatan umano ng bawat isa ang lumigaya sa landas na kanyang gustong tahakin.

Sa totoo lang, umani ng maraming papuri si Rep. Chua sa kanyang ginawa at pagpapaliwanag ng kanyang boto sa divorce bill. May mga nagkomento pa na dapat daw siyang tumakbong Presidente sa susunod na eleksyon.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read