REP. JOEL CHUA, GINULAT ANG MEDIA SA IPINAKITANG GALING

Sa ginanap na “Balitaan sa MayniLove” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) kamakailan lamang, marami ang nagulat sa kagalingang ipinakita ng solo guest na si Congressman Joel Chua ng third district of Manila.

Bukod sa nakapagsilbi na ito ng apat na termino bilang konsehal ng ikatlong distrito ng Maynila, naging secretary to the vice mayor din ito nang makatapos ng tatlong sunod-sunod na termino, hanggang sa noong 2022 ay nagpasya na itong sumubok na tumakbo bilang Kongresista at nanalo namang nang walang kahirap-hirap.


Bago ko malimutan, itong si Congressman Chua ay isa ring abogado at siyang majority floorleader sa Manila City Council bago tumakbong Congressman. Kaya naman talagang nababagay siya sa Kongreso dahil ang trabaho doon ay gumawa ng batas.

Napakarami niyang magandang vision hindi lamang para sa kanyang sariling distrito kundi maging buong Pilipinas, gaya na lamang ng pag-itsa puwera sa mga senior citizens na hindi klasipikado bilang ‘indigent’ o yung walang-wala.

Para sa kanya, kapag senior citizen ka, dapat kang isama sa benepisyo, anupaman ang estado mo sa buhay.


Pabor din siya na mapalitan na ang 30-anyos na Konstitusyon ng bansa dahil hindi na nga naman akma ang mga probisyon nito sa kasalukuyang panahon.

Gusto rin niya na magkaroon ng pananagutan ang mga nagpapatakbo ng mga motorsiklo bilang public utility gaya ng Grab, Angkas at iba pa dahil sa ngayon ay wala umanong tukoy na batas o regulasyon na sinasabing may pananagutan ang mga nasabing kumpanya kapag may nangyari sa daan sa kanilang pasahero dahil sa kapalpakan nila sa pagmamaneho.


Dahil si Congressman Chua ay masasabing siyang original na ‘Batang Quiapo,’ marami din siyang plano para sa lugar kung saan siya ipinanganak, lumaki, nagka-pamilya at nagkaroon ng karera.

Bilang pagtanaw ng loob sa mga ka-distrito niya na walang-sawang sumusuporta sa kanya sa pamamagitan ng pagboto sa kanya anuman ang kanyang posisyon na takbuhan, nagharap ng bill si Rep. Chua sa Congress para maideklara ang mga immediate environs ng Quiapo Church, Plaza Miranda, San Sebastian Church at Plaza del Carmen bilang National Heritage Zone.


Kapag nangyari ‘yan, mapaglalaanan ng sapat na pondo para ayusin at ma-preserve ang mga nasabing lugar na itinuturing nang kayamanan ng kasaysayan ng lungsod ng Maynila.

Partikular na gusto ni Rep. Chua na kilalanin na ng UNESCO bilang national heritage site ang San Sebastian Church, ang nag-iisang bakal na Simbahan sa buong Pilipinas at Asya, dahil bukod umano sa kinakain na rin ng kalawang ang mga bakal, umaatras na ang altar at may mga bukbok na rin sa loob.

Sobrang laki daw ng kailangang halaga para maibalik sa dating kondisyon ang Simbahan at di ito kakayanin ng national budget.



Sa nasabing Simbahan umano ginaganap ng kanyang pamilya at maging mga ninuno lahat ng espesyal na okasyon sa kanilang buhay gaya ng binyag, kumpil at kasal, at natitiyak niyang ganoon rin ang kanyang mga ka-distrito.

Balik tayo sa forum. Walang kahirap-hirap na sinagot ni Rep. Chua nang buong galing ang lahat ng ipinukol na tanong sa kanya. Maraming natutunan ang mga reporters mula sa kanya sa araw na iyon at masasabi kong karapat-dapat talaga siya sa boto ng kanyang constituents.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

 

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like