Remulla: Natuklasan 58 miyembro ng TBS kabilang sa 200 inaresto sa Mendiola

By: JESSE RUIZ

Inihayag kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi bababa sa 58 miyembro ng True Brown Style (TBS) ang kabilang sa may 200 indibidwal na inaresto noong nakalipas na Setyembre 21 rally sa Mendiola.


“Tiningnan namin ‘yung imbestigasyon namin, mula sa 200 na inaresto namin noong Setyembre 21 doon sa Mendiola, 58 ang miyembro ng True Brown Style. Kaya nakikita ‘yung hilig o gawi nila sa karahasan,” pahayag ng kalihim sa ginanap na pirmahan para sa joint memorandum circular para sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) School Health and Protection Program kasama ang DepEd, DOH at PhilHealth.

Sinabi pa ng kalihim na ang pag-aresto sa 13 miyembro ng TBS para sa iba’t- ibang paglabag sa gitna ng mga pagsisikap na pigilan ang mga grupong umano’y humihikayat at nagtuturo sa mga kabataan tungo sa karahasan.

“Kahapon, inaresto namin ang 13 sa kanila para sa iba’t-ibang paglabag, upang ipakita na seryoso kami laban sa paggabay o paghikayat sa mga bata tungo sa karahasan,” ani Remulla.


Una nang sinabi ni Remulla na ang TBS ay nagmula sa California, Estados Unidos at lumawak mula sa isang maliit na grupo sa Pilipinas tungo sa tinawag niyang isang sindikato ng krimen.

Binubuo ang grupo ng mga miyembrong na karamihan ay nasa huling bahagi ng kanilang kabataan (late teens) at early 20s. Ang grupo ay sinasabing nagre-recruit ng mga batang edad 14 hanggang 15 at tinuturuan at hinihikayat ang mga ito na magnakaw sa mga tindahan bilang bahagi ng kanilang initiation.




Bunsod din ng mga nagaganap na karahasan sa ilang paaralan na sinasabing kinasasangkutan ng ilang miyembro ng TBS ay binabantayan na ng DILG ang mga banta sa social media.

Target umano ng nasabing grupo ang mga gang sa mga komunidad. Kamakailan ay may 53 indibidwal na umano’y sangkot sa mga gang na nag-uudyok sa mga bata na magpasimula ng karahasan sa mga paaralan ang inaresto ng mga awtoridad kasunod ng insidente sa Zamboanga .


“Kaya magpapatuloy ang kampanyang ito, hindi ito titigil, makikipagtulungan kami sa DepEd at sa mga komunidad upang matiyak na ang daan pasulong ay isang mas ligtas na kapaligiran para sa ating mga anak,” wika ng kalihim.

Nananatiling bukas si Remulla sa dayalogo at planong makipagpulong sa mga miyembro ng TBS sa Cavite sa susunod na linggo upang ipaliwanag ang patakaran ng pamahalaan.

“Mayroon na. Sa katunayan, magsisimula ako sa Cavite sa susunod na linggo. Kakausapin ko ‘yung mga True Brown Style diyan. Ilalatag ko ang patakaran ko. Sila ay mga rasyonal na indibidwal. Tingin ko naman madadaan natin sa usapan. Pero kung makukulit talaga sila, eh ‘di pasensyahan kami,” aniya.



Tags: Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla

You May Also Like

Most Read