INIHAYAG ng mga tauhan ng Manila Police District -Police Station na ‘kidnap me’ diumano ang reklamong pagdukot ng isang 20-anyos na tourism student sa Tondo, Maynila kamakailan lamang.
Bago niyan ay una nang inireklamo ng pamilya ng estudyanteng si Ana na tinangka uman itong kidnapin sa isang bahagi ng Balut sa Tondo,Maynila pasado alas-9 ng gabi noong Huwebes.
Sa isinagawang imbestigasyon ng MPD-PS1,napag-alaman na hindi kinidnap kundi naglayas lamang ang dalaga.
Wala umanong nakita sa isinagawang imbestigasyon na mayroong nagtangkang kumidnap sa dalaga.
Ayon sa salaysay ng tiyahin ng diumano ay biktima, nagpahatid si Ana malapit sa isang tulay sa Balut upang makipagkita sa isang kaibigan subalit bigla na lamang umanong nagpadala ng mensahe si Ana sa kanyang nobyo at pinsan.
“May na-receive kami na message mula sa pamangkin ko na humihingi siya ng tulong. Sinabi niya na ‘Tulong, please tulong may humahabol sa akin, tawagan mo na si mama,’” anang tiyahin.
“May biglang tumutok daw sa kanya ng kutsilyo, tapos mabilis siyang pinaglakad, tapos after nu’n wala na siyang malay,” ayon pa sa tiyahin ng umano ay biktima.
Pagkagising ng biktima, nasa loob na siya ng isang kuwarto at agad niyang kinuha ang kanyang gamit at tumakas, dagdag pa ng tiyahin.
Isang tricycle driver diumano ang nagsakay sa kanya at ibinaba siya sa Rizal Avenue.
Gayunman, napag-alaman na ala-1 ng madaling araw nitong Biyernes nang makita sa CCTV ang biktima na naglalakad patungo sa tapat ng isang ospital.














