Masusi nang iniimbestigahan ngayon ng Department of Education (DepEd) ang mga sumbong na may ilang school personnel umano ang nagbebenta at nagre-require sa mga mag-aaral na bumili ng mga booklets o workbooks para sa kanilang Catch-Up Fridays, at iba pang mga school activities.
Sa isang pahayag, iginiit ng DepEd na ang mga naturang aksiyon ay mahigpit nilang ipinagbabawal.
“The Department of Education (DepEd) has received several complaints in relation to school personnel selling and requiring learners to buy booklets or workbooks for Catch-Up Fridays, as well as other school activities,” anang DepEd.
Dagdag pa nito, “The Department reiterates that such acts are strictly prohibited.”
Ayon sa DepEd, ang Catch-Up Fridays at iba pang school activities ay hindi dapat na kinasasangkutan ng mga ‘out-of-pocket costs.’
Pinaalalahanan rin nito ang mga magulang at mga mag-aaral na huwag i-accommodate o tangkilikin ang mga ganitong hindi awtorisadong transaksiyon.
Paniniguro pa ng DepEd, “DepEd has already commenced an investigation on the matter.”
Siniguro rin nito na mahaharap sa mga kaukulang parusa ang sinumang mapapatunayang sangkot dito.
“Any individual found guilty of such scheme shall face appropriate administrative sanctions,” anang DepEd.
Hinikayat rin naman ng DepEd ang publiko na kaagad na isumbong sa kanilang tanggapan, particular na sa Office of the Secretary sa email address na osec@deped.gov.ph, kung may nalalaman silang mga kahalintulad na insidente upang kaagad itong maaksiyunan.
Matatandaang Nobyembre 2023 nang ianunsyo ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na gagawin nilang “catch-up day” ang bawat araw ng Biyernes.
Layunin nitong tulungan ang mga estudyanteng mahasa ang kanilang reading at literacy skills.
Nagsimula naman ang implementasyon ng Catch-Up Fridays noong Enero 12, 2024.