Registration ng ‘Duterte Youth’, kinansela ng Comelec

By: JANTZEN ALVIN

Kinansela ng Commission on Elections (Comelec) Second Division ang registration ng Duterte Youth party-list nitong Miyerkules, ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia.


Napag-alaman na sa botong 2-1 ay nagdesisyon ang Comelec Second Division na kanselahin ang rehistro ng naturang party-list group.

Aniya, isinagawa ng 2nd division ang promulgasyon nitong Miyerkules lamang at nag-ugat ang desisyon sa isang kasong inihain noong taong 2019 laban sa naturang grupo.

“The Comelec will release today the resolution on Duterte Youth by a vote of 2-1, cancelling the registration of Duterte Youth party-list,” ani Garcia.


Ilang youth leaders ang nagsampa ng petisyon sa poll body na humihiling na ipawalang-saysay ang rehistro ng Duterte Youth dahil inaprubahan ito ng Comelec en banc nang hindi inilalathala ang petisyon para dito at hindi rin nagsasagawa ng kaukulang pagdinig sa aplikasyon ng party-list, na alinsunod sa Party-list System Act.

Nilinaw ni Garcia na ang naturang desisyon ay hindi pa final and executory at maaari pa rin aniyang maghain ng apela o motion for reconsideration hinggil dito ang Duterte Youth.


“The decision of the division is not final, and there is a chance that the vote of one member might change when the en banc is held,” paliwanag pa ni Garcia.

Matatandaan na ang Duterte Youth ay pumangalawa sa idinaos na 2025 party-list race noong Mayo 12.


Gayunman, hindi pa naipo-proklama ang grupo dahil na rin sa mga kasong kinakaharap nito at nakabinbin pa sa Comelec.

Ukol sa posibilidad na tuluyan nang hindi maiproklama ang Duterte Youth dahil sa pagkansela sa registration nito, sinabi ni Garcia na, “Puwede pa din po kung i-reverse ng En Banc ang Division.”



Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like