Registration ng An Waray party list, kinansela ng Comelec

By: Arsenio Tan

Inalis ng Commission on Elections (Comelec) ang registration ng An Waray Party List group matapos umanong payagan ang kanilang ikalawang nominado na manumpa at umupo bilang kinatawan ng House of Representatives (HoR), nang walang Certificate of Proclamation mula sa poll body noong 2013 National and Local Elections (NLE).

Napapaloob sa 15-pahinang desisyon ng Comelec Second Division ang pagkansela sa registration ng An Waray ay bunsod ng paglabag nila at pagkabigong tumalima sa mga batas, panuntunan at regulasyon na may kinalaman sa halalan, alinsunod sa itinatakda ng Section 6(5) ng Republic Act No. 7941.


Bukod ito sa natuklasang nilabag ng An Waray ang mga batas at panuntunan nang pahintulutan ang kanilang second nominee na si Atty. Victoria Isabel Noel, na maupo bilang kinatawan ng House of Representatives sa 16th Congress, gayung batid nilang wala pang iniisyung Certificate of Proclamation ang Comelec.

Ayon sa Comelec , dahil sa kawalan ng Certificate of Proclamation para sa kanilang second nominee, ang An Waray ay entitled lamang sa isang seat o puwesto sa Kongreso noong 2013 NLE, kaya’t ang pag-upo ni Noel sa pwesto bilang kinatawan ng An Waray ay walang legal na basehan.

“WHEREFORE, premises considered, the Petition is GRANTED. The registration of An Waray party-list is cancelled,” ayon sa Comelec na pumabor sa petisyong inihain nina Danilo Pornias ,Jr. at Jude Acidre laban sa An Waray.


Magugunita na noong 2013 NLE ay iprinoklama ang An Waray bilang isa sa mga inisyal na nanalo sa party-list race at inisyal na binigyan ng dalawang puwesto sa Kamara.

Gayunman, ang inisyal na alokasyon para sa dalawang puwesto ay ni-recompute at naging isang puwesto na lamang, alinsunod sa NBOC Resolution NO. 13-030 (PL)/004-14 na na-promulgate noong Agosto 20, 2014.


Isinagawa ang ‘recomputation of seats’ kasunod ng kautusan ng Supreme Comelec (SC) sa Abang Lingkod Party List vs. Comelec upang maiproklama ang Abang Lingkod Party List, bilang isa sa mga nanalong PL groups sa 2013 NLE.

Nabatid na ang Comelec Second Division ay binubuo nina Presiding Commissioner Marlon Casquejo at Commissioners Rey Bulay at Nelson Celis.


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like