HINATULAN ng guilty ng Baguio City Regional Trial Court ang tatlong dating kadete ng Philippine Military Academy (PMA) kaugnay sa sa pagkamatay ni PMA cadet Darwin Dormitorio noong Setyembre 2019.
Sa ibinabang desisyon ng Baguio City RTC, sinabing guilty sa kasong murder ang dalawang dating PMA cadets habang guilty sa hazing ang isa pa, kaugnay sa pagkamatay ni dating 4th Class Cadet Darwin Dormitorio .
Sa 42-page decision, hinatulan ni RTC Branch 5 Presiding Judge Ligaya Itliong-Rivera sina 3rd Class Shalimar Imperial, Jr. at Felix Lumbag, Jr. ng guilty, habang si former Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena ay guilty dahil sa paglabag sa anti-hazing law.
Pawang hinatulan ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong ang mga akusadong kadete.
Magugunitang namatay si Dormitorio sa PMA Hospital noong Setyembre 18, 2019, isang araw matapos siyang ma-diagnose ng urinary tract infection.
Sinasabing walang malay, hindi tumutugon at wala nang vital signs nang dalhin sa ospital ang kadete. May mga pasa din ito sa dibdib, tiyan, tagiliran at likod.
Binigyan siya ng cardio-pulmonary resuscitation ngunit kalaunan ay idineklara siyang patay.
Ang naturang hazing incident na nangyari noong 2019 ay ikinamatay ni Dormitorio dahil sa umano’y tinamong mga sugat na sinasabing kagagawan ng kanyang mga upperclassmen sa military school.
Ang naturang insidente ay naging dahilan upang ipanawagan ng maraming mga mambabatas at at mga opisyal ng bansa ang pagbabago sa Anti-Hazing Law at magpataw ng mas mabigat na parusa.
Dahil din sa naturang kaso ay kusang nagbitiw sa pwesto si dating PMA Commandant of Cadets Bartolome Vicente Bacarro para bigyang-daan ang malinis at patas na imbestigasyon, gayundin si PMA Superintendent Lt. General Ronnie Evangelista.
Samantala, kung hindi sana nasawi ang kadeteng si Dormitorio at nagpatuloy sa PMA, nagtapos na sana ito bilang miyembro ng PMA Madasigon Class of 2023.














