IPINAG-UTOS kahapon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na magsagawa ng rapid assessment ang mga local government unit partikular na ‘yung mga sinalanta ng Super Typhoon Egay at Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro na siya ring National Chairman ng NDRRMC inutos niya na magsagawa ng rapid assessment sa kanya kanyang lugar ang mga LGUs at kanilang disaster management offices upang magkaroon ng kabuuang larawan hinggil sa nagging damages ng Bagyo.
Pinangunahan kahapon ni Sec Teodoro ang isinagawang emergency meeting sa NDRRMC na dinaluhan din ni Interior and local Government Secretary Atty. Benjamin Abalos Jr. Menardo Guevarra ng Office of Malacanang at Armed Forces of the Philippine .
Layunin ng pagpupulong na makakuha ng inisyal na damage assessment at alamin kung ano ng mga tulong ang naipamahagi at kailangan pang iparating sa taong bayan.
Sinabi pa ni Teodoro na kailangan nila ng coordinated action dahil sa nasa period of immediate response ang gobyerno. Kailangan din umano na mabilis na maibalik ang mga basic services sa mga tao.
May mga ulat na dalawang tao na ang nasawi sanhi ng bagyo at habagat subalit sa datos ng NDRRMC isa pa lamang ang kanilang naitalang nasawi sa kasagsagan ng pananalasa ng malakas na buhos ng ulan.
Ayon kay NDRRMC Deputy Spokesperson Diego Mariano, may isang tao ang inulat na nasawi at nagmula ang biktima sa Cardona, Rizal na hinihinalang nasawi sa flashflood, habang may naiulat din na dalawang nasaktan sa CALABARZON at Region 6.
Umakyat na sa 44,356 pamilya o 180,439 indibidwal ang naaapektuhan ng bagyo mula sa 261 barangay sa Regions 1, 3, CALABARZON, MIMAROPA, 5, 6, 10 at 12.
Nakahanda ang mga tauhan at kagamitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumugon sa anumang emergency o epekto ng Bagyong Egay.
Ito ang tiniyak ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., kasunod ng pananalasa ng bagyo sa Babuyan Islands at Cagayan kahapon.
Bilang paghahanda, minobilisa ang mga tropa at kagamitan ng 525th Engineer Combat Battalion (525 ECBn) ng 51st Engineer Brigade (51EBde).
Kumpleto rin ang mga tropa sa Disaster Response Operations TEAs (Tools, Equipment, Accessories) para sa posibleng deployment upang tulungan ang mga stranded na pasahero at magsagawa ng rescue, relief at clearing operations sa mga lugar na apektado ng bagyo.