TAHASANG itinanggi ng isang mataas na Philippine Army officer na sangkot siya sa naganap na pagpatay sa businesswoman at model na si Yvonne Chua Plaza sa Davao City.
Sa mga panayam ay mariing itinanggi ni General Jesus Durante III ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at kasalukuyang pinuno ng Army’s 1001st Brigade na nakabase sa Davao de Oro na may kaugnayan siya sa pagpatay sa 38-anyos na model businesswoman ,
“I, myself, am asking for justice for Yvonne,” pahayag pa ng heneral.
Nabatid na nakaladkad lamang ang pangalan ng opisyal dahil sa isang Facebook post na inuugnay siya sa modelo.
Si Plaza ay binaril ng riding-in-tandem suspects sa harap ng inuupahan nitong bahay sa Green Meadows subdivision sa Barangay Tugbok, Davao City nuong December 30, 2022.
Kaugnay nito ay nanawagan ang opisyal sa sinumang may impormasyon o makakatulong para maresolba agad sa lalong madaling panahon ang kaso ng pagpatay kay Plaza na makipag-ugnayan na sa mga pulis.
Upang mapabilis ang pag-resolba sa kaso ng pagpatay kay Plaza ay naglaan ang mga awtoridad sa Davao City ng ?1 milyong reward para sa magtuturo tungo sa ikadarakip ng riding- in- tandem gunmen na nasa likod ng pamamaslang .
Inihayag ng Davao Region Police na may pabuyang inilaan para makatulong na matukoy ang pumaslang kay Yvonne Chua Plaza.
Una nang nagtatag ng ‘Task Force Yvonette’ ang kapulisan sa Davao para matutukan ang kaso ng pamamaslang, makaraang mag- viral sa social media ang kaso ng biktima na sinasabing may kaugnayan sa isang military officer.
Ayon sa pulisya, hindi pa rin nila matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang gunmen sa kabila ng mga nakalap na CCTV footage dahil natatakpan ng helmet ang mukha ng mga ito, subalit may mga person of interest na silang binabantayan.
Ayon kay Police Col. Alberto Lupaz, head ng Davao City police, hindi lang pagnanakaw ang intensyon ng mga salarin dahil naunang binaril si Plaza bago kunin ang kanyang bag pagbaba nito sa kanyang Mitsubishi Montero Sport vehicle.
Posible aniyang personal na away bukod sa pagnanakaw o business dispute ang motibo sa krimen, na kabilang sa mga anggulong tinututukan ng binuong task group.
Iniimbestigahan din umano ng nasabing task group ang mga kumalat na social media post hinggil sa pagkakasangkot diumano ng isang ranking official.
Sa ibinahaging report ni Police Maj. Eudisan Gultiano, Davao regional police spokesperson, ang 11-man Task Group Yvonette ay pinangungunahan nina Police Col. Thor Valiente Cuyos, deputy regional director for operations; DCPO director Col. Alberto Lupaz; at Davao region’s Criminal Investigation and Detection Group chief Maj. Randy Rajah Ramos. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)