RADIO REPORTER, SUGATAN SA NAGLIPARANG BATO SA RALLY SA MAYNILA

Ni Itchie G. Cabayan

SUGATAN ang isang radio reporter nang tamaan matapos magliparan ang mga bato, bote at iba pang matigas na bagay mula sa hanay ng mga kabataang nag-rally sa Maynila nitong Linggo.


Dakong 1:30 ng hapon, kasalukuyan umanong nagre-report nang live ang reporter na si Manny Vargas ng DZBB nang biglang magliparan ang mga nasabing bagay patungo sa hanay ng mga Manila Police District (MPD) personnel na naatasang nagbabantay sa lugar.

Diumano, nagtangka ang mga nasabing kabataan na makarating sa Mendiola at Palasyo ng Malakanyang sa kasagsagan ng rally subalit nahadlangan sila ng mga malalaking truck at iron barriers na inilagay ng pulisya upang hindi madaanan ng mga ralyista.

Sandaling nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga pulis at nasabing mga kabataang.


Ayon sa MPD, mahigit sa 3,000 katao ang dumagsa sa anti-corruption rally Luneta pasado alas-11 ng umaga na dinaluhan ng militanteng grupo, estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad, mga pari at manggagawa.

Mapayapang natapos ang rally pasado 1:30 ng hapon matapos ang isang programa at mula doon ay dumiretso ang iba sa EDSA kung saan may kaparehong uri din ng rally na isinasagawa ang iba pang mga grupo.


Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like

Most Read