Latest News

RADIO ANNOUNCER, BINARIL HABANG NAGBO-BROADCAST

By: Victor Baldemor Ruiz

DEAD-on -rrival sa pagamutan ang isang radio broadcaster nang pagbabarilin ito habang nagsasahimpapawid, kahapon sa bayan ng Calamba sa Misamis Occidental.

Sa paunang ulat ng Calamba Municipal Police Station, patay sa pamamaril ang journalist na kinilalang si Juan Jumalon, o mas kilala bilang, ‘Johnny Walker’ 57, radio anchor at station manager ng Gold FM 94.7 na nasa tahanan niya sa Barangay Don Bernardo A. Neri.

Sinasabi sa ulat na pinasok ng hindi pa nakikilalang suspek ang gate ng bahay ng radio announcer at saka nilapitan sa kanyang radio booth at binaril ito habang naka-ere.


Nanawagan ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Philippine National Police (PNP) para sa agarang pag-activate ng special investigation task group (SITG) upang agad na makilala ang salarin o utak sa likod ng paglikida .

Sa inisyal na ulat mula sa Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) ng PNP, may kumakalat umanong ‘viral video’ na makikita si Jamalon na dalawang beses binaril ng suspek habang nagsasalita ito nang ‘live online’ at hinablot din ng suspek ang kanyang gintong kwintas bago ito tumakas sa pinangyarihan ng krimen.

Nagawa pang maisugod ng kanyang asawa sa Calamba District Hospital si Jamalon subalit idineklarang dead-on-arrival (DOA) ang biktima.

Ani PTFoMS executive director, Usec. Paul M. Gutierrez,“Even as we extend our sympathy to the victim’s family and friends over this dastardly attack, we also call on the Misamis Occidental Police Office to immediately constitute its SITG to investigate this incident and apprehend the suspect and others possibly involved in the interest of justice.”


Ayon kay Police Capt. Diore Ragonio ng Calamba Municipal Police Station, may sinusundan na silang ‘lead’ sa posibleng pagkakikilanan ng suspek base sa paunang testimonya ng anak ng biktima.

Posible rin umanong hindi work-related ang kaso pero matindi umano ang motibo sa likod ng pamamaril.

“Sa investigation namin sa anak niya, may mas malalim pa na pwedeng dahilan sa pagkabaril niya,”anang opisyal sa isang panayam.

Kung mapapatunayang work-related ang pagpaslang kay Jumalon, siya ang magiging 199th journalist na napatay simula 1986 sa Pilipinas na itinuturing na pang-walo sa “countries with the worst records on prosecuting killers of journalists.”


Tags: Calamba Municipal Police Station

You May Also Like

Most Read