Binitbit ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lider na si Jey Rence Quilario, kilalang si ‘Senor Agila.’ kasama ang iba pang opisyal at tagasunod ng kultong Socorro Bayanihan Services, Inc. kasunod ng isinampang kasong kriminal sa kanila sa Surigao del Norte Regional Trial Court.
Sina Quilario ay inaresto pagkatapos ng hearing na isinagawa ng Senate Committees on Public Order and Dangerous Drugs at Commiitee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na kapwa nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga pang- aabuso diumano ng grupo matapos na magpalabas diumano ng arrest warrant ang korte.
Bukod kay Quilario, inaresto rin sina Mamerto Digal Galanida, Karren Juanite Sanico, Janeth Tamayo Ajoc, Wenefredo Sarong Buntad, Giovanni Leogin, Carduza Lasala, Ibrahim Laugo Adlao, Jovelito Libay Atchecoso, Sergio Angcog Cubillan, Daryl Ruaya Buntad, Jonry Caindoy Ilandag, Yure Gary Quiban Portillo at Lorencio Cosmiano Quiban.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Una nang kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) prosecutors si Quilario at 12 iba pa sa Surigao del Norte Regional Trial Court.
Napag-alaman na nahaharap sila sa 21 kaso kabilang na ang qualified trafficking in persons, facilitation of child marriage, solemnization of child marriage at child abuse.
Ang alegasyon laban sa SBSI ay inilutang ni Senator Risa Hontiveros, na nag-akusa sa kulto ng pang-aabuso ng mahigit 1,000 menor de edad.














