MISTULA umanong hinahamon ni Pastor Apollo Quiboloy ang Pilipinas at Estados Unidos para maghain ng extradition sa ginawa nitong paghahain ng certificate of candidacy (COC) para tumakbo sa pagka-Senador sa 2025 miidterm election.
“Itong pag-file ni Pastor Apollo Quiboloy ng senador ay sa tingin ng DOJ ay isa ‘yang challenge po sa ating gobyerno at sa gobyerno ng USA na mag-file na ng extradition,” ayon kay Justice spokesperson Mico Clavano.
“Dahil hindi naman po pupuwedeng maging senador ang isang accused ng human trafficking, especially when there is substantial evidence already to the effect na ganyan talaga ang ginagawa niya,” dagdag pa ni Clavano.
Nilinaw ni Clavano na hindi pa nagre-request ang US government para sa extradition ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at maaring magamit ni Quiboloy bilang proteksiyon kung palarin siyang maging Senador.
Ayon pa kay Clavano, dapat harapin ni Quiboloy ang kanyang kaso at hindi na nito dapat pang gamitin ang election system at ang demokrasya.
Samantala, nag- plead “guilty” na umano bilang kasama sa conspiracy si Marissa Duenas, human resources manager ng KOJC sa Van Nuys, California, kapalit ng pagbawas ng kanyang sentensiya.
Inamin ni Duenas na umabot pa sila sa isang kasunduan sa iba para sa pekeng kasal.
Gayunman, sinabi ni Clavano na wala itong opisyal na epekto sa kaso ni Quiboloy sa bansa, maliban na lamang kung ihahain ang kaso sa bansa.














