QUIBOLOY, MANANATILI SA SA CAMP CRAME; MGA KASAMAHAN, ILILIPAT SA PASIG CITY JAIL

By: Victor Baldemor Ruiz

Mananatili sa Philippine National Police (PNP) Custodial Facility sa Camp Crame si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy habang ililipat naman ang apat na kasamahan nito sa Pasig City Jail.

Ito ay matapos na iharap si Apollo Quiboloy et’al sa Pasig RTC para sa kanilang arraignment kaugnay sa kasong human trafficking .


Nabatid na ililipat sa Pasig City Jail ang apat na kasamahan ni Quiboloy na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes, alinsunod sa kautusan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159.

Samantala, ang leader ng KOJC ay mananatili sa Camp Crame dahil sa pagiging “security risk” matapos ang kanilang arraignment kahapon ng umaga at naghain ng ‘not guilty plea’ sa kasong qualified human trafficking ang mga akusado na walang kaukulang piyansa.

Kahapon ng hapon ay itinakda ang arraignment ni Quiboloy sa Quezon City Regional Trial Court Branch 106 dahil sa mga reklamong paglabag sa Section 5(b) of Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at sa ilalim ng Section 10(a).


Nitong Huwebes, sinabi ng Philippine National Police na lima pang indibidwal ang lumantad bilang mga biktima umano ng panggagahasa ni Quiboloy.

Matatandaan na naaresto si Quiboloy sa Davao City noong weekend, matapos itong bigyan ng ultimatum na kusang sumuko sa loob ng 24 oras.


Bukod sa mga kinakaharap na kaso sa Pilipinas, kalaboso rin si Quiboloy sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children, conspiracy at bulk cash smuggling sa United States.

Nabatid na naghain ng mosyon sa Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang kampo ni Quiboloy para mailipat ito sa isang ospital sa Davao City.


Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philipppine National Police-Public Information Office (PNP-PIO) Chief Col. Jean Fajardo na nais magpalipat ni Quiboloy at kapwa akusado nito na si Ingrid Canada sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Davao City. Ito ay dahil umano sa kanilang existing medical conditions.

Ibinasura ng korte ang hiling ng kampo ni Quiboloy na ilipat sila ng kustodiya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa PNP custodial facility.

Napag-alaman na nagsumite rin ng komento ang Department of National Defense (DND) sa Quezon City Hall of Justice at maging sa Pasig RTC para harangin ang paglilipat ng kustodiya ni Quiboloy.



Kasunod ito ng mosyon ng kampo ni Quiboloy para mailipat ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Kampo Aguinaldo mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

Ayon kay DND Assistant Secretary at Chief of Legal and Legislative Affairs Atty. Erik Lawrence Dy, ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy at mga kapwa akusado nito ay mga ‘heinous crimes’ na saklaw na ng hurisdiksyon ng Civil Court.

Hindi rin umano mandato ng AFP na kunin ang kustodiya ng mga suspek na sangkot sa mga criminal case.

Tags: Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy

You May Also Like