BINASAG na ni embattled preacher pastor Apollo Quiboloy ang kanyang pananahimik kaugnay sa kanyang kalagayan bunsod ng mga akusasyonG inihain laban sa kanya, kasabay ng pahayag na handa niyang harapin ang lahat ng kasong ipinupukol sa kanya basta dito lamang sa Pilipinas gagawin ang paglilitis at hindi makikialam ang mga Amerikano.
Sa halos mahigit kalahating oras na statement na inilabas ng media network ng Kingdom of Jesus Christ, humingi siya ng garantiya sa gobyerno, sa DOJ, sa NBI at maging sa PNP-CIDG na hindi siya ibibigay sa mga Amerikano para duon litisin dahil sa pangambang i-subject siya sa ‘rendition’.
Sinabi pa ni Quiboloy sa inilabas nitong voice message na hindi siya magpapahuli ng nang buhay at barilin na lang umano siya kung siya’y huhulihin ng mga awtoridad.
“Tandaan po ninyo: Ako’y mamamatay with honor. Tatayo ako para sa mga ginipit, kinunan ng katarungan, kinunan ng hustisya sa bansang ito. Dito tutulo ang aking dugo. Dito ako mamamatay. Bahala na, basta Pilipino ang papatay sa akin, okay sa akin iyon,” ani Quiboloy sa pagwawakas ng kanyang mensahe .
Sa inilabas na statement ay pinabulaanan din nito ang mga kasong inihain laban sa kaniya dito sa Pilipinas at sa US na pawang kasinungalingan lang umano. Gayunpaman, handa raw siyang harapin ang mga kasong ito dito sa Pilipinas.
Maging ang may 43 kaso umano niya sa US ay pinaghandaan na ng kanyang 20 abogado.
Si Pastor Apollo Quiboloy ay wanted ng Federal Bureau of Investigation sa Amerika dahil sa patong-patong na kaso kabilang na ang ‘conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children’ at bulk cash smuggling.
Dito naman sa bansa ay patuloy pa ring pinaghahanap si Quiboloy matapos mag-isyu ng warrants of arrest ang korte sa Davao City dahil umano sa paglabag umano sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.














