Masayang binalita ni Congressman Joel Chua, kinatawan sa ikatlong distrito ng Maynila, na sa pakikipagtulungan ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at people’s organizations ay umuusad na ang panukala niyang pagdedeklara ng Quiapo, San Sebastian, Plaza Miranda at iba pa bilang “National Heritage Zones.”
“Kasaysayan na dapat pangalagaan, pamana na dapat ipagmalaki!”
Ganyan isinalarawan ni Cong. Chua ang lugar na kanyang kinalakihan, ang Quiapo, kaya naman naghain siya sa Kongreso noong 2022 ng isang panukalang batas na nagde-deklara sa Quiapo bilang isang ‘national heritage zone area.’
Agosto 17, o sa mismong araw ng kanyang kapanganakan nang isulong ni Chua ang panukala na kanyang iniakda.
Ayon kay Rep. Chua, ang nasabing panukalang batas ay isang pagtanaw ng utang na loob sa Quiapo dahil siya ay isang lehitimong ‘Batang Quiapo.’
Ito ang kanyang kinagisnang tahanan at doon siya lumaki hanggang sa siya ay magkaroon ng pagkakataong mapaglingkuran ang kanyang distrito bilang isang pulitiko.
Sa ilalim ng kanyang House Bill 3750, kasama sa boundaries ng panukalang “heritage zone” ang paligid ng Quiapo Church, Plaza Miranda, San Sebastian Church, at Plaza del Carmen, upang mapabilang ang nasabing zone sa restoration ng mga imprastruktura, preservation ng kulturang mula at likas sa lugar at rehabilitasyon ng pamayanan.
Bukod diyan, kasama rin sa ipinadedeklarang heritage zone ni Rep. Chua ang kanlurang bahagi sa Evangelista Street, mga nakapalibot na gusali at propriedad sa paligid ng Quiapo Church at Plaza Miranda.
Samantala, sa bandang hilaga naman ay ang “rear property lines of buildings facing Escaldo Street and F. R. Hidalgo Street” hanggang hilagang-kanluran sa “rear property lines of buildings facing San Sebastian Street and northeast along Recto Avenue.”
Pagdating sa silangang bahagi, kasama sa heritage zone ang “side property lines” ng San Sebastian College complex at Plaza del Carmen at sa south, ang south bank ng Estero de Quiapo at mga nakabalot sa paligid ng property lines ng mga building na nakaharap sa Hidalgo Street at A. Bautista Street.
Kapag naisabatas ang heritage zone bill, tinitiyak ni Rep. Chua ang pag-angat ng buong Maynila ang idudulot ng HB 3750.
Itinatalaga sa HB 3750 ang Department of Tourism, sa pakikipagtulungan sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Department of Public Works and Highways (DPWH), at iba pang ahensya ng gobyerno pati na ang City Government of Manila, para sa pagbabalangkas ng development plan sa loob ng isang taon mula sa oras na naging batas na ang HB 3750.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














