ANG tinaguriang “Queen of Philippine Cinema” na si Gloria Romero ay sumakabilang-buhay na noong Sabado, Enero 25, sa edad na 91.
Ito ay kinumpirma ng anak ni Gloria na si Maritess Gutierrez sa kanyang social media post.
“She passed away peacefully,” ayon kay Maritess.
“In this time of loss, our family deeply appreciates the support, prayers, sympathy, all the lovely messages and heartfelt condolences that we’ve received,” pahayag pa ni Maritess.
Ang mga labi mg movie at TV icon ay nakahimlay sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City.
Ipinanganak na Gloria Galla sa Denver, Colorado noong 1933, una siyang sumabak bilang extra sa pelikulang “Ang Bahay sa Lumang Gulod” noong 1949.
Ang kanyang breakthrough role ay noong 1951 sa pelikula “Kasintahan sa Pangarap.”
Subalit mas nakilala siya sa pelikulang kanyang ginawa noong 1952 — ang “Palasig” at “Monghita.”
Nagwagi siya ng kanyang unang Best Actress award sa FAMAS sa pelikulang “Dalagang Ilocana.”
Ilan din sa nagbigay sa kanya ng acting awards ang pelikulang Nagbabagang Luha (1988) at Tanging Yaman (2000).
Huli siyang lumabas sa 2018 Metro Manila Film Festival entry na “Rainbow’s Sunset,” at muling siyang nanalo bilang Best Actress.
Humigit-kumulang sa 250 ang pelikula at TV shows na ang kanyang nagawa dahilan upang tanghalin siyang “Queen of Philippine Movies.”
Noong February 2024, hinandugan siya ng special tribute ng kanyang mga kaibigan at kapwa artista para sa kanyang by 90th birthday.