By: JANTZEN ALVIN
Pormal nang ipinagharap si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa niyang kasamahan sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) ng kasong qualified human trafficking case, kaugnay ng sinalakay na POGO hub sa Bamban, Tarlac noong Marso.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), ang mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamiyendahan ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 , ay inihain nito sa Pasig RTC dakong alas-4:30 ng hapon ng Martes.
Bukod kay Guo, kinasuhan rin sina Huang Zhiyang, na tinukoy ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) bilang ‘boss’ ng lahat ng mga boss ng illegal POGOs; Zhang Ruijin, Lin Baoying at iba pa.
Nauna rito ay pinahintulutan ng Korte Suprema ang hiling ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mailipat na ang pagdinig ng mga POGO-related cases sa Pasig City mula sa Capas, Tarlac.
Inaasahan namang kaagad na rin ira-raffle ng hukuman ang inihaing kaso laban kina Guo upang maidaos ang paglilitis dito.