By: JANTZEN ALVIN
Patay ang isang senior citizen na person with disability (PWD) matapos na saksakin ng isang 29-anyos na lalaki nang hindi niya ito pinasindi ng sigarilyo kamakalawa ng hapon sa loob ng 2nd St. Manila North Cemetery (MNC) sa Sta.Cruz, Maynila.
Kinilala ni PSSg Irene Jay Manalili, imbestigador ng Manila Police District -homicide section, ,ang biktimang si Danilo Jaynario, 60, residente ng 2nd St.Manila North Cemetery, Sta. Cruz, Maynila. Nasawi ito dahil sa saksak sa kaliwang tagiliran, habang naaresto naman sa isinagawang follow-up operation ang suspek na si Rafael Balan, nakatira rin sa nabanggit na lugar.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente, alas-3 ng hapon sa nabanggit na lugar.
Nabatid na nakisindi umano ang suspek sa biktima at nang hindi napagbigyan ay sinaksak nito ang PWD, pero nakailag at saka tumakbo, pero sinundan pa ito ng suspek at nang abutan ay saka sinakyod ng saksak sa kaliwang tagiliran.
Mabilis na tumakas ang suspek nang makitang bumagsak ang biktima na kaagad namang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) pero hindi na rin ito naisalba ng. mga doktor.
Sinampahan ng kasong murder sa Manila Prosecutors Office ang suspek.














