Tatlong magkakapatid na senior citizen, na kinabibilangan ng isang person with disability (PWD), ang patay matapos na ma-trapped sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa Taytay, Rizal kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Gloria Valera de Silva, 77, may-ari ng tahanan; at sina Celerina Valera at Elvira Valera, na kapwa senior citizen din.
Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, dakong alas-9:02 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa kusina ng bahay ng mga biktima na matatagpuan sa Kilometer 36, sa Brgy. Dolores.
Ayon sa hipag ng mga biktima na si Lorna Valera, nakalabas na umano ng bahay ang dalawa sa mga biktima ngunit nakita ng mga ito na hindi pa nailalabas ang kapatid nilang lumpo.
Dahil dito, bigla umanong bumalik sa loob ng bahay ang magkapatid upang iligtas sana ang kanilang kapatid ngunit minalas na pawang ma-trapped at masawi.
Dakong alas-9:28 ng gabi nang maideklarang under control ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-9:47 ng gabi.
Sa mopping operations na narekober ng mga bumbero ang mga bangkay ng mga biktima.
Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog habang tinatayang hindi lalampas sa P350,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.














