Isang malawakang ‘purging’ o paglilinis sa hanay ang ikinakasa ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) sa hanay ng pambansang pulisya laban sa mga sangkot sa iligal na droga.
Bilang pagsisimula, kahapon ay umapela si Interior Secretary Atty, Benhur Abalos sa lahat ng police full colonel at police general na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Ibinulgar ni Abalos na totoong may mga sangkot na police officials sa multi-billion kalakaran ng iligal na droga kaya umabot sila sa ganitong hakbang na pagsumitihin ng courtesy resignation ang lahat ng colonel at generals.
Sinabi pa ni Abalos na ang nasabing hakbang ay rekomendasyon din ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr., matapos na lumabas na totoong may problema sa kanilang hanay.
Nabatid na may nilikang five-man committee ang DILG para siyang sumuri sa mga record at mag-imbestiga sa hanay ng mga senior police officers na maghahain ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay Abalos, maraming pulis at maging Philippine Drug Enforcement Agents ang sangkot sa kalakalan ng droga.
“Mahirap lumaban sa giyera na ultimo kakampi mo ang babaril sa likod mo, ani Abalos sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame.
Kaya napapanahon na umano para linisin sa lalong madaling panahon ang hanay ng kapulisan.
Lubha umano nakakatakot ang impluwensya ng drug money. “Iba ang pera ng droga , nakakatakot ang pera nila,” ani Sec Abalos.
Hindi pinasinungalingan ng SILG ang naunang pahayag ni Senator Bato Dela Rosa na patuloy pa ring namamayagpag ang mga ‘ninja cops’ na sangkot sa illegal drugs sa hanay ng kapulisan.
Subalit ipinagmalaki nito na sa maikling panahon ng administrasyong Marcos ay umaabot na sa mahigit P20 billion ang halaga ng droga na kanilang nakumpiska mula sa mga ikinasang police operation, kabilang ang pagkakahuli sa isang police officer na nagbabanatay sa may isang toneladang shabu at sa isang senior PDEA officer na nagbenta ng shabu sa isang police poseur-buyer sa loob mismo ng kanilang himpilan. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














