Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Revised Penal Code, Article 201 (2)(b)(3) and 201(2)(3)(5), in relation to Section 6, Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ng Hijos Del Nazareno sa Manila Prosecutors’ Office ang drag queen na si Amadeus Fernando Pagente,alyas “Pura Luka Vega”, sa Agosto 17,2023.
Ang HD Central, isang asosasyon ng sagradong Katoliko na kinikilala ng Quiapo Parish at kumakatawan sa libo-libong Katolikong deboto ng Itim na Nazareno sa Pilipinas, ay nagsaad na lubhang nasaktan sila sa imoral at pambabastos sa Diyos na ginawa ni “Pura Luka Vega”.
Nabatid na nagsagawa ng pagpupulong ang mga opisyal at miyembro ng nasabing samahan at naniniwala na karapat-dapat sampahan ng kaso si Pagente, matapos na nasaksihan ng publiko ang kanyang kontrobersyal na video ng pagtatanghal ng “Ama Namin” na may mabilis a tempo habang ginagaya ang mukha at bihis ng Panginoong Hesukristo, partikular na ang Poong Nazareno.
Nabatid na maraming beses at matagal na rin itong ginagawa ni Pagente sa social media kabilang ang Facebook, Twitter, Instagram, TikTok at Youtube at mainit na pinag- usapan sa telebisyon, radyo at online.
Sinabi ng Hijos Del Nazareno Central, hindi to magandang halimbawa sa mga mamamayan lalo na sa kabataan, kaya nararapat lamang na dalhin sa korte ang mga pagkakamali at kalapastanganan ni Pagente.