Patay ang tatlong katao habang limang iba pa ang sugatan nang bumagsak ang isang puno ng balete sa Estero de Magdalena, sa Binondo, Manila, Huwebes ng umaga.
Ang mga nasawing biktima ay nakilalang sina Edcel Landsiola, 42 at ang mag-amang sina Jomar Portillo, 28 at John Mark, 2.
Wala nang buhay si John Mark nang ma-recover ng rescue team, habang nasawi naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang kanyang ama at si Landsiola.
Samantala, sugatan naman sa insidente sina Katelyn Caparangan, 13, na nakaranas rin ng pananakit ng leeg at hyperventilation, at kanyang amang si Reynaldo Caparangan; Alvin Portillo 32; Gecalyn Villorigo, 22; at isang di pa kilalang biktima, na pawang nagtamo ng multiple abrasions.
Batay sa ulat ng Manila DRRMO, nangyari ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa nasabing estero, malapit sa kanto ng Recto Avenue at Reina Regente St., sa Binondo.
Nagulantang na lamang umano ang lahat ng bumagsak ang naturang puno habang nasa kasagsagan ng mahimbing na pagtulog ang mga biktima.
Mabilis namang rumesponde ang mga rescuers nang matanggap ang ulat at dakong alas-7:33 ng umaga nang mailabas ang lahat ng biktima.
Habang isinusulat ang balitang ito ay iniimbistigahan pa kung ilang bahay ang nadamay at kung ano ang dahilan ng pagbagsak ng nasabing puno.














