ISANG pagpupulong na layong talakayin ang kapakanan ng higit-kumulang 24 Pinoy seafarers na nakasakay ngayon sa ilang barko ng Russia at maaring maipit sa giyera kontra Ukraine ang ikinakasa ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Sen. Erwin Tulfo kasama ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW).
“Gusto nating malaman kung ano ang magiging hakbang ng ating DFA at DMW para sa kaligtasan ng mga seafarers na ito,” pahayag ni Sen. Erwin.
Aniya, ang impormasyon hinggil sa bilang ng mga Pinoy seaman ay ibinahagi ni Ukraine Ambassador Yuliia Fediv nang mag-courtesy call ang naturang diplomat sa Senador noong nakaraang linggo.
“I want DMW sana to find out kung itong mga seaman natin ay direct hire o dumaan sa manning agency dito sa atin. Kung sila ay dumaan sa manning agency, may pananagutan ang kumpanya na yun kapag may nangyari sa kanila pero kung sila ay mga direct hire, pakiusapan na lang na umuwi na lang sila at delikado ang buhay nila,” ayon pa kay Sen. Tulfo.
Sa nasabing courtesy visit ay pinakiusapan ni Sen. Tulfo si Ambassador Fediv kung maaaring makausap ni Filipino prisoner of war Raymon Santos Gumangan ang kanyang pamilya kahit sa telepono lang.
Matatandaang si Gumangan ay nadakip ng mga tropa ng Ukraine na nakikipaglaban sa ilalim ng Russian forces kahit na ayon sa pamilya niya ay pagiging “logistics truck driver” ang nakuha niyang trabaho sa isang online job-hunting platform.
Nangako naman si Fediv na tutulong para makausap ni Gumangan ang naiwang pamilya dito sa Pilipinas at tatratuhin nang maayos si Gumangan sa ilalim ng Geneva Convention relative to the Treatment of Prisoners of War.














