Ni Itchie G. Cabayan
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag Article 151 ng Revised Penal Code, physical injuries at reckless imprudence resulting in physical injuries ang isang motorcycle rider, matapos nitong banggain ang isang pulis na sumisita sa kanya dahil sa kawalan ng suot na helmet.
Ang suspek na kinasuhan sa Manila City Prosecutor’s Office ay kinilalang si Lenard Macaalay y Remolacio, 23, ng No. 665 Int. 6, 6th Avenue, Baltazar Street, Barangay 49, Caloocan City.
Sa ulat ng Manila Police District -Station 7, kinilala ang biktima na si PSSg Christopher Bartolome, nakatalaga sa nasabing istasyon. Siya at nagtamo ng sugat sa binti, braso at mukha.
Naganap ang insidente kamakalawa ng madaling araw sa C. Namie Street corner D. Gomez Street, Barangay 189, Tondo, Maynila, kung saan sugatan rin ang angkas ng suspek na si Crusita Rico y Lopez, 18 , vendor at residente ng 147 L. Ladorata Street, Barangay 43, Caloocan City.
Dakong alas- 2 umano ng madaling araw nang mamataan ni Bartolome ang suspek na nakasakay sa motorsiklo na walang suot na helmet.
Ginamit umano ni Bartolome ang kanyang flashlight upang patabihin ang suspek ngunit sa halip na huminto ay pinaharurot nito ang kanyang motorsiklo patakas, kung saan nabangga nito ang pulis.
Tumumba ang motorsiklo ngunit nagawa pa rin itong mapatakbo ng suspek, dahilan upang siya ay habulin ng iba pang pulis, hanggang sa masukol ito sa kanto ng R. Papa at A.C. Herrera Streets sa Barangay 189, Tondo, Maynila.














