IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Philippine Army at Philippine National police na huwag lubayan ang pagtugis sa grupo ng communist New Peoples Army na nasa likod ng pananambang na ikinamatay ng isang pulis na nagsasagawa ng humanitarian mission sa Gandara, Samar nitong Sabado.
Sa ulat ng PNP, isang pulis mula sa 8th Police Regional Office ang napatay kasunod ng naganap na engkwentro laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa boundary ng Brgy. San Nicolas, San Jose de Buan at Brgy. Mabuhay pasado alas-9 ng umaga.
Ayon sa PNP Eastern Visayas, nakilala ang biktima na si Patrolman Mark Monge, kasapi ng 804th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8.
Kasalukuyan umanong nagsasagawa ng humanitarian activity sa lugar ang mga pulis nang bigla na lang silang paputukan ng may 10 hinihinalang NPA.
Umabot ng limang minuto ang engkwentro bago nagpasya ang mga communist terrorists na umatras para hindi abutan ng reinforcement ng military at local police.
Mariing kinondena ni Police Regional Office-8 (PRO-8) Regional Police Director PBGen. Bernard Banac ang isinagawang pag-atake ng CPP armed wing sa hanay ng 804th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion-8 at 2nd Eastern Samar Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni PLt. Mark Mohn Amistoso.
Ayon kay PBGen. Banac, magkasabay na nagsasagawa ng humanitarian mission ang mga tauhan ng PNP at isang police operation sa paligid ng mga nabanggit na bayan nang bigla silang pinaputukan ng mga komunista.
Kaagad namang nag-retaliate ang pwersa ng kapulisan kung saan tumagal ng halos limang minuto ang labanan.
Hindi umano nakayanan ng mga rebelde ang lakas ng pwersa ng mga pulis, dahilan para umatras at tumakas ang mga ito patungo sa Northeast ng encounter site.
“Sa pagkamatay ni Pat Monge, ang buong hanay ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ay mariing kinondena ang ganitong kataksilan na ginawa ng mga miyembro ng CTG. Hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga salarin. Ang CTG ay isa sa mga ugat ng kahirapan sa mga hinterland areas ng Eastern Visayas, at ito ay kailangang wakasan. Mas paiigtingin pa natin ang kampanya laban sa insurhensiya,” ani BGen. Banac. (VICTOR BALDEMOR)














