Sinisiguro ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na may paglalagyan at mapapanagot ang anim na pulis Navotas na sangkot sa pagpatay sa menor de edad na biktima umano ng mistaken identity .
Ito ay matapos na dalawin mismo nina Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. at PNP chief Police General Benjamin Acorda ang pamilya ng napaslang na binatilyo sa Barangay NBBS, Navotas City.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, tuloy-tuloy ang pagdidisiplina ng PNP sa mga pulis tulad na lang ng mga nauna nang naalis sa serbisyo kung kaya’t makakaasa ang publiko na hindi bibigyan ng special treatment ang 6 na pulis.
Sinabi pa ni Fajardo na mismong si PNP Chief na ang nangako na pabibilisin ng PNP ang pagresolba ng administrative cases para bigyan ng hustisya ang pamilya ng biktimang si Jemboy Baltazar.
Matatandaang sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos na nababahala na siya sa sunod-sunod na kontrobersya na kinasasangkutan ng mga pulis at nais niyang ipa- review ang Police Operational Procedure ng PNP.
Kasunod ni Atty Abalos ay dumalaw din si Gen Acorda sa burol ng binatang biktima ng “mistaken identity” sa Brgy. NBBS, at nagpaabot ng pakikiramay kasabay ng pagtiyak magbibigyan gg agarang hustisya ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
“Nandito lang ako para unang-una to extend our condolence and at the same time to give assurance to member of the family na wala tayong itatago diyan when it comes of conduct of the investigation we will be exerting all our effort na the truth will come out in investigation,“ ayon kay Acorda.
Sinabi rin niya na sisiguraduhin nilang mapoprotektahan ang mga kaanak ng biktima at pinaalala sa kanila na naka handang tumugon ang PNP sakaling may problema o pananakot na matatanggap ang pamilya.