PULIS NA NAKAPATAY NG SIBILYAN, AKSIDENTE LANG TALAGA
TOTOONG isang ‘accidental fire’ ang nangyaring pagputok ng baril ng isang aktibong kasapi ng Police Regional Police XI na maging sanhi ng sa pagkamatay ng isang dumadaang sibilyan, base sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoridad.
Nilinaw ni PNP- PRO XI Spokesperson Police Major Atty. Eudisan Gultiano na ni-relieve na sa serbisyo si Patrolman Ryan Domenise, ang suspek na sinasabing aksidenteng nakabaril at nakapatay sa isang sibilyan sa Maragusan Sports Complex, sa Davao de Oro.
Naisampa na rin ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, base sa imbestigasyon na isinagawa ng Maragusan Municipal Police Station. Maliban dito, nahaharap din sa kasong administratibo si Domenise na kasalukuyan nang nakakulong.
Maalalang naka-off duty si Domenise na nakadestino noon sa New Bataan at namasyal lamang sa Maragusan Sports Complex para sumilip sa sariling tindahan at tiangge.
Subalit nang inilapag nito ang dalang baril ay bigla umanong pumutok ang nasabing service firearm at nahagip ng bala sa noo ang naglalakad na si Cerbando Hinayon, 58, na napadaan lamang sa lugar nang mga oras na iyon.
Kaagad naman na isinugod sa Davao de Oro Provincial Hospital ang biktima pero idineklara itong dead-on-arrival, sanhi ng tinamong tama ng punglo sa noo. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














