LAHAT ng pulis na nahatulan sa mga kasong administratibo at criminal cases ay hindi na kasama sa mga makakatanggap ng mid year bonus.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police Officer in Charge Ltgen Vicente Danao Jr., matapos na ire-release na ang P7.3 bilyong alokasyon para sa mid-year bonus ng mahigit 222 libong tauhan ng pambansang pulis.
Nilinaw ni Ltgen. Danao na hindi kasama sa mabibigyan ng bonus ang mga tauhan nila na nahatulan ng “guilty” sa administratibo o kriminal na kaso saklaw ng fiscal year 2022.
Nabatid na ni-release na ang pondong inilaan para sa mid-year bonus ng mga tauhan ng PNP.
Ang nasabing halaga ay mula sa regular appropriation ng budget ng PNP para sa taong kasalukuyan.
Ayon kay PNP Finance Service Director, BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., matatanggap na ng kanilang mga tauhan sa kanilang Landbank ATM Payroll Accounts ang kanilang bonus na katumbas ng isang buwang “basic pay” sa May 17.
Subalit nilinaw din ng PNP Finance na anumang bonus na higit sa P90,000 ay papatawan ng withholding tax batay sa Tax Reform Acceleration and Inclusion o (TRAIN) Law. (VICTOR BALDEMOR)