Dinisarmahan at isinailalim sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) ang isang pulis-Maynila matapos na bunutan ng baril ang mga kabataang miyembro ng UST Judo Team noong Linggo ng gabi sa Sampaloc,Maynila.
Inireklamo sa MPD-General Assignment and Investigation (MPD-GAIS) si PCpl. Marvin Castro ng anim na kabataang nasa edad 12-17 kasama ang kanilang mga magulang.
Naganap ang insidente sa Barangay 471,alas- 9:30 ng gabi matapos na mapadaan ang anim 6 na kabataan sa lugar ng isang istasyon ng pulisya na naglalakad at nagsisigawan.
Nabatid na nilapitan ni Castro ang mga bata at sinaway pero nagkaroon ng komprontasyon.
“Akala namin sa una, parang sasabihan lang kami ng congratulations, parang ganun. Parang agresibo kaagad,” anang isang miyembro ng Judo Team.
Naglabas pa umano ng posas si Castro at inimbita silang sumakay sa mobile car at nang tumanggi sila ay inilabas na ng pulis ang kanyang baril.
Depensa naman ni Castro, natakot lamang siya nang hindi sumunod ang mga bata kaya siya naglabas ng baril.
Kalaunan, humingi naman ng paumanhin si Castro sa mga estudyante at mga magulang nito.
Gayunman,nanindigan ang.mga magulang na ituloy ang pagsasampa ng kaso kay Castro. (Jaymel Manuel)