Nasakote ng National Bureau of investigation (NBI) ang isang puganteng Chinese national na tatlong beses na tumakas sa kulungan at may 18 taonq nagtago, matapos na makatakas sa New Bilibid Prison(NBP) noong 1984.
Nabatid na tatlong beses na nakatakas sa kulungan ang suspek na nakilalang si Frank Chua, na gumagamit ng alyas na Tsai Rong Chang at Tsai Jung Shui.
Sa record ng NBI, si Chua ay unang naaresto noong 1989 kasama ang ilan pang suspek dahil sa pagpupuslit umano ng 58 kilograms ng shabu sa Ilocos Sur.
Gayunman,noong Marso 22,1990, lahat ng akusado ay nakatakas sa Vigan Provincial Jail kung saan nagsagawa naman ang korte ng ” trial in absentia” at noong 1994, napatunayan si Chua at iba pang akusado na “guilty” sa kaso at hinatulan ng reclusion perpetua o life imprisonment.
Gayunman, noong Hulyo 4, 2003 ay muling naaresto si Chua ng NBI-Anti-Illegal Drug Task Force at NBI – Olongapo District Office (NBI-OLDO) sa Ding Ho Restaurant, Subic Bay Freeport Zone.
Tumanggi itong aminin na siya ay si Chua at sa halip, sinabi nito na siya ay si Tsai Jung Shui pero nang ikumpara ang kanilang fingerprint record ay nadiskubre ng NBI na ito at si Chua ay magkapareho.
Itinurn-over sa NBP si Chua pero muli itong nakatakas noong 2004 at nagtago sa loob ng 18 taon at muling naaresto ng NBI – Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) noong Hulyo.28,2022 sa Sampaloc.
Muling itinanggi ng pugante na siya si Chua at nagpakilala ito na si Tsai Rong Chang pero sa pagsusuri ng NBI -Dactyloscopy Division sa kanyang fingerprints, muli itong tumugma sa kanyang mga naunang fingerprint records at lumabas na si Chua, Tsai Jung Shui at Tsaj Rong Chang ay iisang tao lamang. (Jaymel Manuel)