Publiko, winarningan ng DepEd vs. pekeng ‘pang-baon’ posts sa elementary pupils

By: Anthony Quindoy

Pinag-iingat ng Department of Education (DepEd) ang publiko laban sa mga social media posts na nagsasabing namimigay umano ang ahensiya ng ‘pang-baon’ sa mga mag-aaral sa elementarya.

Batay sa inisyung misinformation alert ng DepEd nitong Miyerkules, mahigpit nitong pinayuhan ang mga magulang at mga guardians na huwag ibigay ang school information at identification ng kanilang mga anak sa mga ganitong uri ng mapanlinlang na paskil upang hindi makumpromiso ang kanilang seguridad.


Mariin ring pinabulaanan ng DepEd na namimigay sila ng ‘pang-baon’ at sinabing, “The Department of Education (DepEd) warns the public about FAKE posts claiming that they give out “pang baon” for Grade 1 to 6 learners.”

Ayon pa sa DepEd, “Parents and guardians are strongly advised not to give out their children’s school information and identification to these kinds of hideous posts so as not to compromise their security.”

Nauna rito, kumalat ang isang pekeng post na nagsasaad na ang mga mag-aaral na nasa Grade 1 hanggang Grade 6 ay pagkakalooban umano ng DepEd ng ‘pang-baon.’


Nakasaad sa pekeng post na ang mga Grade 1 pupils ay bibigyan ng tig-P1,000; P2,000 naman sa Grade 2 pupils; P2,500 sa Grade 3 pupils; P3,000 sa mga Grade 4 pupils; P4,000 sa Grade 5 pupils at P5,000 naman sa Grade 6 pupils.

Anito pa, ang requirement lamang upang makakuha ng ‘pang-baon’ ang mga mag-aaral ay school ID at ang deadline ng pagsusumite nito ay sa Marso 30, 2024.


Kaugnay nito, pinaalalahanan rin naman ng DepEd ang lahat na manatiling vigilante laban sa misinformation.

Ayon pa sa DepEd, ang lahat ng official announcements at impormasyong mula sa kanilang tanggapan ay maaaring makita sa kanilang Facebook page na fb.com/DeparmentOfEducation.PH; X account (dating Twitter) na twitter.com/DepEd_PH; Instagram account na instagram.com/depedphilippines; at website na www.deped.gov.ph.


Hinikayat rin nito ang publiko na kaagad na ireport ang anumang ‘misleading at suspicious information’ hinggil sa basic education sa depedactioncenter@deped.gov.ph.

Tags: Department of Education (DepEd)

You May Also Like