Hinihimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na paghandaan nang maaga ang pananalasa ng bagyong ‘Pepito’ na nakatakdang manalasa sa bansa ngayong Sabado at Linggo.
“May magagawa po tayo ngayon na mismo para protektahan ang ating pamilya at sarili. Habang kalmado pa, lumikas na ayon sa abiso ng lokal na pamahalaan. Umalis na sa mga lugar na bahain o kaya maaaring mag-landslide. Lalo na po ang may sakit, buntis, bata, seniors at PWDs,”ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa .
Sinabi ni Herbosa na nakahanda na ang mga ospital at klinika ng DOH para mangalaga sa kalusugan ng mga evacuees.
“Sasamahan po namin kayo sa unos na ito. Makinig po sa abiso ng ating gobyerno,” dagdag ni Herbosa.
Hinikayat din ni Herbosa ang publiko na sundin ang abiso ng mga Local Government Unit (LGU) na ipagpaliban muna ang byahe sa malalayong lugar kagaya ng Bicol, Quezon at iba pang lalawigan na dadaanan ng bagyo para hindi ma-stranded at antabayanan rin ang anunsiyo para sa mga paaralan upang maging ligtas ang kabataan.














