NAGPAYO ng ibayong pag-iingat ang Department of Health (DOH) sa publiko ukol sa masamang epekto sa kalusugan ng electronic cigarettes (e-cigarettes) at iba pang vape products.
Ito ay lasunod ng paglabas ng medical case report ni Dr. Margarita Isabel C. Fernandez, isang 22-anyos na lalaki na walang anumang isyung pangkalusugan pero dumanas ng fatal heart attack. Ito ay dahil umano sa matinding pinsala sa baga, na posibleng dulot ng kanyang araw-araw na paggamit ng vape.
Ayon sa ulat, na-admit ang pasyente sa pagamutan dahil sa matinding pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga at naranasang heart attack, dulot ng bara sa kanyang dalawang major arteries.
Nagkaroon rin umano ang pasyente ng seryosong lung condition na kilala bilang e-cigarette or vaping-use associated lung injury (EVALI) at nakitaan pa ng severe pneumonia-like symptoms sa baga kahit wala naman siyang impeksiyon.
Nang tinangka ng mga doktor na isalba ang pasyente sa pamamagitan nang pagsailalim sa kanya sa emergency procedure upang buksan ang nabarahan nitong ugat sa puso ay lalo lamang lumala ang kondisyon ng pasyente.
Diumano, nagkaroon rin ito ng respiratory failure kaya’t kinailangang isailalim sa mechanical ventilation, ngunit tatlong araw lamang matapos siyang maisugod sa pagamutan ay binawian na ito ng buhay.
Sinabi ng DOH na ang naturang trahedya ay patunay na ang e-cigarettes o vape products ay hindi mas ligtas na alternatibo sa paninigarilyo.
Batay sa dumaraming ebidensiya, nagdudulot pa umano ito ng matinding pinsala sa iba’t- ibang sistema ng katawan ng tao, gaya nang pagkakaroon ng matinding pinsala sa puso at baga, na nauuwi sa heart attack at EVALI, maging sa mga bata pa o malusog ang katawan.
Napag-alaman na ang EVALI ay isang seryosong kondisyon ng pamamaga at pinsala sa baga, na iniuugnay sa vaping.
Ani DOH Secretary Teodoro Herbosa, “E-Cigarettes and Vaping are not a safe alternative to smoking. Usok pa rin yan. May this tragic case serve as a stark reminder of their serious health risks. We urge everyone, especially the youth, not to believe the false advertisements that vaping is a safer smoking alternative, and to make informed decisions to protect their health. The DOH remains committed to educating the public about the dangers of vaping, and advocating for stricter regulations on these harmful products towards a Bagong Pilipinas kung saan Bawat Buhay Mahalaga.”