Latest News

Publiko, hinimok ng mga obispo na makiisa sa Earth Hour 2022

HINIMOK ng mga obispo ng Simbahang Katolika ang publiko na makiisa sa pagdiriwang ng Earth Hour 2022 na nakatakdang idaos sa Marso 26, 2022, Sabado.

Ayon kay Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, na siya ring chairman ng Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), mahalagang makiisa ang bawat mamamayan sa Earth Hour na ang layunin ay ipabatid sa bawat isa na tayo ay mayroon lamang iisang mundong ginagalawan at dapat natin itong pakaingatan.

Sinabi ng obispo na ang pagpapatay ng ilaw at iba pang kagamitang de kuryente sa loob ng isang oras ay malaking bagay upang mabigyang-pahinga ang mundo mula sa iba’t-ibang gawain ng tao na nakakasira na sa kapaligiran.


“Tayo ay magkakasama bilang magkakapatid at sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw ay ipinapahinga natin ang ating buhay sa paggamit ng mga kuryente upang magkaroon tayo ng mas ibayong pagpapahalaga sa ating buong buhay sa kasalukuyan,” pahayag pa ni Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas nitong Martes.

Dalangin naman ni Mangalinao na ang paggunita sa Earth Hour ay hindi lamang manatili sa loob ng isang oras, bagkus ay mas lalo pang lumalim at lumawak upang patuloy na yumabong at lumaganap tungo sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.

“Sana po ang simbolo na ito ay magpalalim at magpalawak pa ng ating magagawa para po sa ating mundong ginagalawan,” ayon kay Mangalinao.

Samantala, nagpalabas naman si Baguio Bishop Victor Bendico ng isang circular letter upang hikayatin ang mga mamamayan na makiisa sa Earth Hour.


“I encourage all the Faithful of the Diocese of Baguio to support and participate in this important activity in accordance with our Vision-Mission, particularly for the environment,” bahagi ng circular letter.

Nabatid na tema ng Earth Hour ngayong taon ang ‘Shape Our Future’ na napapanahon dahil sa Mayo ay isasagawa ang National and Local Elections sa bansa.

Magsisilbi anila itong inspirasyon sa pagbuo ng kolektibong pagkilos para sa kalikasan sa pamamagitan nang pagpapalaganap ng kamalayan partikular na sa mga usaping dapat na pagtuunan ng pansin ng bawat mamamayan lalong-lalo na ng mga lider ng bansa.

Ang Earth Hour 2022 ay idaraos ganap na alas-8:30 ng gabi hanggang alas-9:30 ng gabi sa Marso 26, 2022, na kinatatampukan ng pagsasara ng mga ilaw at pagpatay ng mga kagamitang de kuryente upang mabigyan ng pahinga ang inang kalikasan.


Ito na ang ika-15 taon ng Earth Hour na ipinagdiriwang hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at mundo.

Bilang pakikiisa sa Earth Hour ay live namang isasagawa sa church-run Radio Veritas ang “Banal na Oras para sa Kalikasan,” o isang oras na pagrorosaryo para sa tunay na pangangalaga sa kalikasan na pangungunahan ni Fr.Angel Cortez, OFM at Association of Major Religious Superiors of the Philippines at sa pakikipagtulungan ng World Wide Fund for Nature (WWF) at Living Laudato Si Philippines.

Ang Earth Hour ay inisyatibo ng WWF, na isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.

Una itong isinagawa sa Sydney Australia noong taong 2007 habang 2008 naman ito inilunsad sa Pilipinas. (ANDOY RAPSING)

Tags:

You May Also Like

Most Read