Nagpalabas ng babala sa publiko ang toxic watchdog na BAN Toxics kaugnay sa pitong China-made skin-whitening creams na ibinebenta sa online shopping sites na Shopee at Lazada, matapos madiskubre na may mataas itong antas ng mercury.
Ayon sa BAN Toxics,apat sa pito ay na-ban na ng Food and Drug Administration (FDA).
Napag-alaman na ang Vanta C Series Handheld XRF Chemical Analyzer, skin lightening creams ay nagkakahalaga ng P80 hanggang P264 ay napatunayan na may mataas na antas ng mercury na nasa 115 hanggang 5,150 parts per million (ppm) na mas mataas sa regulatory limit, gayundin ang BL Vterly Day and Night Retinol & Collagen Cream,PEARL NATURAL Whitening & Anti-Aging Cream at Day and Night Whitening Anti Freckle Melasma (Green).
Kabilang naman sa nai-ban na ng FDA ang JiaoLi HuiChuSu Face Cream 7 Day Specific Eliminating Freckle ,JiaoLi HuiChuSu Miraculous Cream ,Szitang 7-days Specific Whitening & Spot A-B Set Cream at Szitang 10-day Whitening and Spot Day & Night Set.
Sinabi ng grupo na ayon sa World Health Organization (WHO) Fact Sheet on Mercury and Health, ikinukunsidera ang mercury sa USA bilang isa sa top ten chemicals na major public health concern.
Ang pagkaka- expose umano sa mercury, kahit na bahagya lamang, ay magdudulot ng seryosong health problems at kung buntis naman ay banta ito sa sanggol na nasa sinapupunan.
May masamang epekto rin umano ang mercury sa nervous, digestive at immune systems, gayundin sa baga,kidneys, balat at mata.
“We are dismayed that skin lightening creams tainted with mercury continue to prevail in online markets despite regulations on the use of mercury in personal care products,” ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics.
Dapat umanong matanggal sa merkado ang mga mapanganib na kemikal sa beauty products.
Pinaalalahanan din ng BAN Toxics ang publiko na maging ‘vigilant’ sa pagbili ng mga lightening creams na ini-regulate na ng FDA para hindi malantad sa nakakalason na mercury.