PUBLIC CONSULTATIONS SA WAGE HIKE, SISIMULAN NA

By: Jaymel Manuel

Nakatakdang simulan ngayong Mayo 23 ang serye ng public consultations sa labor sector para sa susunod na wage hike sa National Capital Region (NCR), ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa kabilang banda ay nakatakda naman ang konsultasyon sa employers sector sa Hunyo 4 habang ang public hearing ay target namang maidaos sa Hunyo 20.


Ayon sa DOLE, ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ay magdedesisyon sa propriety ng pag-adjust ng minimum wage para sa rehiyon.

Napag-alaman na ang mabilis na pagdaraos ng konsultasyon para sa umento sa sahod ay alinsunod sa kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. na kaagad na pasimulan ang pagrepaso sa regional minimum wage rates sa loob ng 60-araw bago ang anibersaryo ng kanilang pinakahuling wage order.

Ang kasalukuyang wage order para sa private sector workers sa Metro Manila ay naging epektibo noong Hulyo 16, 2023.


Itinatakda nito ang minimum wage sa P610 para sa manggagawa sa non-agriculture sector at P573 naman para sa mga manggagawa sa agriculture sector sa service/retail establishments na mayroon lamang 15 trabahador at pababa, gayundin ang mga manufacturing establishments na regular na nag-e-employ ng wala pa sa 10 manggagawa.

Samantala, inatasan na rin ang iba pang rehiyon na ayusin na rin ang schedule ng konsultasyon at pagdinig, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos.


Tags: Department of Labor and Employment (DOLE)

You May Also Like

Most Read